PAANO NATIN AAMUIN ANG INANG KALIKASAN?

Psychtalk

(Unang Bahagi)

Ayon sa mga pag-aaral, medyo mahirap pero ‘di pa naman huli para amuin o patahanin natin ang nag-aalburutong Inang Kalikasan.

Kung hindi lang sarili natin ang ating iisipin at pagtutuunan natin ang kapakanan ng mga darating na henerasyon, makikita natin na kailangang may dapat gawin. At may magagawa pa. Mahirap sa umpisa, baka suntok sa hangin din sa tingin ng iba.

Puwede rin namang sakyan na lang ang pananaw ng ilan—wala nang magagawa kundi adaptation na lang. Narinig ko ito mula sa mga naniniwalang irreversible na ang mga damage na nagawa natin sa kalikasan.

Ngunit kailangang may gawin. Kailangan ng may konkretong pagkilos—sa lahat ng antas ng pamumuhay; sa lahat ng dako ng mundo.

Bago pa man ang pag-angkop, pagbabago ng pananaw o mindset ang kinakailangan.

Una, baka panahon nang aminin ng tao na nagkamali siya na isiping siya ay mas makapangyarihan sa kalikasan; na ito’y nilikha para pagharian at pagpasasaan niya.

Kailangang ibalik at hanapin ulit ang ating sagradong ugnayan sa Inang Kalikasan. Kung aariin natin ito bilang isang biyaya, at tayo’y pinagkatiwalaan lang, papahalagahan natin ito. Sa maka-Diyos at maka-kalikasang pananaw, maiging tanggapin na tayo’y tagapangalaga  o steward lang ng lahat ng narito sa lupa.

O kaya, kung maisip natin na may buhay din ito na nakaugnay sa ating sariling buhay at survival, malamang mahirap na hindi ibalik ang paggalang natin sa kalikasan.

Kailangang bumalik sa kalikasan, kilalanin ulit ito, umugnay ulit dito, at putulin na ang alienation ng tao sa kalikasan, lalo na ng mga taong sobra nang nawili sa mga komportableng buhay na dulot ng urbanisasyon at pag-unlad ng teknolohiya.

Dapat magising ang tao sa pantasya na walang katapusan ang lahat ng bagay o buhay na nasa daigdig. At ito’y mangyayari kung naunawaan niya ulit ang daloy ng kalikasan at kaugnayan nito sa kanya bilang tao. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

98

Related posts

Leave a Comment