PAG-APRUBA SA PONDO NG LALAWIGAN NG QUEZON, PINALAGAN

0

IPINAGTATAKA ng iba pang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Quezon ang ginawang paspasang pag-apruba ng apat lamang na mga dumalong miyembro ng (SP) sa ­pangunguna ni Bokal Donaldo “Jet” Suarez, anak ni Quezon Governor Danilo Suarez, ang nakabinbing 2021 revised provincial annual budget na P4,157,830,020, sa isang special session.

Una rito, binuo ng konseho kasama si Vice- Governor ­Samuel Nantes, ang kapulungan bilang committee-as-a-whole sa ­kuwestyunableng special session.

Bukod kay Bokal Suarez, dumalo rin ang tatlo niyang ­kaalyado sa Minority Bloc na sina Bokal Alona Obispo, Yna Liwanag at Rhodora Tan.

Kaagad ding idinaos ang marathon committee hearing at special session, makaraang mapatawan naman ng 60- day suspension noong Nov. 11, ng Department of the Interior and Local Government (DILG) base sa kautusan ng Office of the President, ang walong Bokal na bumubuo ng Majority Bloc, dahil sa mga reklamong abuse of authority, oppression at grave misconduct.

Samantalang ang ika-13 Bokal na si Reynan Arrogancia na kabilang din sa majority bloc na ‘di nakasama sa napatawan ng suspensyon, ay hindi nakiisa sa nasabing committee hearing at special session.

Sa kabila aniya nito’y ipinasa pa rin ng apat na SP ang provincial annual investment plan para sa 2022 na nagkakahalaga ng P5,331,658,038 na siyang pagbabasehan sa proposed annual budget para sa susunod na taon.

Ayon sa tumatayong leader ng Majority bloc na si Bokal Sonny Ubana, wala sa kanila ang pagkukulang kung bakit hindi naipasa ang panukalang 2021 annual budget. Sinunod lamang umano nila ang mga proseso at alituntunin na itinakda ng batas hinggil sa pagtitiyak na magagastos nang tama ang salapi ng lalawigan.

Malinaw aniya na batay sa kanilang ginawang pag-aaral, mayroong mga probisyon sa Annual Proposed Budget na hindi tumutugma sa orihinal na Annual Investment Plan na nauna nang naaprubahan ng konseho.

Paliwanag ni Bokal Ubana, na may nakita umano sila na halos P200M-P300M na disconnected o hindi tugma sa orihinal na plano na dapat pagkagastusan ng pondo.

Pangalawa, hindi detalyado ang malaking bahagi ng proposed budget lump sum. Nakasaad sa Budgetary Regulation na dapat detalyado ang lahat ng gastusin, anong proyekto, at saang bayan o barangay ito gagamitin.

Pangatlo, hindi umano tugma ang nakapaloob na mungkahing budget doon sa mensahe ng gobernador (Executive Message). Nakasaad sa mensahe na “This budget seeks to provide response and recovery for COVID”. Subalit nang bulatlatin ang nilalaman nito ay nakita nila na halos lahat ng provincial hospital ay nabawasan pa ng halos 40% ang MOOE (maintenance and other operating expenses), samantalang ang halos lahat ng hospital sa probinsiya at may karga naman na halos P40M pondo para sa dagdag na casual, job order, sa ilalim ng Governor’s Office.

Sapat na umano itong mga kadahilanan para hindi nila ipasa ang naturang budget proposal.

Dagdag pa ni Bokal Ubana, mayroon aniyang sapat na panahon ang Office of the Governor upang repasuhin at baguhin o gawan ng revision ang na-disapproved na budget proposal at mabigyan ito ng pagkakataon na maaprubahan subalit hindi ito ginawa ni gobernador Suarez at sa halip ay inakusahan pa ang konseho ng pamumulitika.

Iginiit ni Bokal Sonny Ubana na ang paghahain ng kaso laban sa kanilang walo para sa kanilang suspensyon ay malinaw na paraan ng gobernador upang pilayin sila at hindi tuluyang magampanan ang kanilang tungkulin na bantayan at siguraduhing nagagastos nang tama ang pondo sa lalawigan ng Quezon.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment