PUNA ni JOEL O. AMONGO
ISA na naman ba itong pag-atake sa malayang pamamahayag na nangyari sa inyong lingkod na pinigil ako ng mga pulis ng QCPD Station 16 sa Brgy. Pasong Putik, Quezon City?
Kamakalawa ng gabi, bisperas ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), Oktubre 29, 2023, may nagtimbre sa akin na may hinihinalang vote buying sa isang eskuwelahan sa Barangay Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.
Dahil dito, nagtungo ang inyong lingkod sa area kasama ng isa pang lalaki na hindi ko kilala at pinakiusapan ko lang na ituro ako sa nasabing eskuwelahan para i-cover ko bilang isang media practitioner, ang hinihinalang vote buying sa lugar.
Pagdating namin sa eskuwelahan ng kasama kong isang nakamotor din na pinakiusapan ko lang na ituro ang sinasabing lugar kung saan nagaganap umano ang vote buying, ay pumarada kami sa tapat ng eskwelahan kung saan maraming nakaparadang motor at four wheels vehicles.
Nilapitan ko ang apat na lalaki na nakatambay sa tabi ng gate ng eskuwelahan at tinanong ko ang isa sa kanila, “Sir, BSDO po ba kayo, media po ako?”, Sinagot niya ako ng “HINDI” at sabay talikod papasok sa gate ng eskwelahan.
Ilang sandali pa ay may dumating na anim na mga pulis ng QCPD Station 16, kung saan ako ay nakaupo lang sa aking motor sa harap ng eskwelahan, at ang mga awtoridad ay nakipag-usap kina Kap. Roxas, misis nito, at ang kanilang mga kasama na humigit-kumulang sa sampu katao.
Habang kinakausap ng mga pulis si Kap. Roxas at misis nito ay hindi po ako kumikibo habang nakikinig sa kanilang diskusyon sa anim na mga pulis.
Maya-maya pa ay dumating si Station 16 commander, Col. Reynaldo Vitto sa area at doon na nila ako pinagtulungan na pinagtuturo na sinasabing hina-harass ko raw sila.
Dalawa lang kami na dumating sa area at humigit-kumulang sampu katao sila at lugar nila ‘yun, may kakayanan po ba ako mang-harass sa kanila?
Sinasabi nilang may CCTV sila sa area, ipakita nila kung hinaras ko sila.
Pagdating ni Col. Vitto sa area ay nilapitan ako ni Roxas at pinilit nito (Roxas) na kunan ng picture ang ID ko.
Pagtapos ay pinigil na ako ng mga pulis, kailangan ko raw sumama sa kanila sa presinto dahil may reklamo laban sa akin sa ginawa kong pangha-harass.
Pilit akong pinasakay ng mga pulis sa kanilang mobile at dinala ako sa Station 16 at doon pinaghintay nila ako, ‘yun pala, wala namang palang reklamo na pangha-harass laban sa akin sina Roxas.
Pero bago pa man nila ako dinala sa Station 16 ay dumating pa si Quezon City Police District (QCPD) PBGen. Redrico Maranan at sinabi sa akin na sumama raw ako sa Police Station 16 para magpaliwanag sa reklamo laban sa akin.
Bukod kay PGen. Maranan, dumating din sa eskwelahan si District 5 Cong. PM Vargas.
Sino ngayon ang nagha-harass, ako ba o si Chairman Freddy Roxas na tumatakbo ngayon na kapitan sa Brgy. Kaligayahan?
Kung nang-harass ako bakit hindi sila nagsampa ng kaso laban sa akin at pinabitbit pa nila ako sa mga pulis?
Ano ang kakayanan ko para gawin ko ‘yun? Gusto nilang busalan ang media na tulad ko na ginagampanan ko lang ang aking trabaho?
Esep-esep din minsan, mga pulis. Kalaunan nabatid ko na ang sasampahan ng kaso ng kampo ni Roxas ay ang anim na mga pulis na unang nagresponde sa eskwelahan.
Sino ngayon ang nang-harass, ako o si Roxas sa ginawa nila na pinapigil ako sa mga pulis ng Station 16?
Kayo na ang humusga, mga kababayan?
Kung wala pang nagmagandang loob na dalawang lawyer sa akin, malamang tinambakan na nila ako ng mga kaso na puro paratang lang na hindi ko ginawa. Nangangamoy Martial Law na ba?
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.
183