Hindi pa man opisyal na naidedeklara ang pagtatapos ng bilangan para sa katatapos lamang na botohan, malinaw na agad na ang sigaw pa rin at hangad ng mga Filipino ay pagbabago. Bunsod nito, maraming maituturing na “plot twist” sa resulta ng eleksyon sa ilang mga lugar sa bansa. Maraming political dynasty ang nagwakas. Maraming bagong personalidad ang nabigyan ng pagkakataong patunayan ang kanilang sarili sa larangan ng politika.
Natapos na ang 50 taong pamumuno ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada bunsod ng pagkatalo n’ya kay Isko Domagoso Moreno na isa ring dating artista. Isang malinaw na pagkapanalo ang nangyari dahil malaki ang naging lamang ni Isko Moreno kay Erap. Hindi naman nagpahuli sa kaparehong istorya ang lungsod ng Makati nang matalo ni dating Mayor Kid Pena sa pagiging congressman ang dating bise presidenteng si Jejomar Binay na ikinagulat ng marami. Sa lungsod ng San Juan naman ay natapos na rin ang pamumuno ng mga Estrada dahil sa pagkatalo nila kay dating Vice Mayor Francis Zamora.
Ang mga “plot twist” na ito ay hindi lamang sa Metro Manila nangyari. Maging sa mga probinsya ay may mga ganito ring kaganapan. Ang mga Ecleo ng Dinagat Islands ay natalo kay Congresswoman Kaka Bag-Ao. Sa Antique naman ay tinapos ni dating Senator Loren Legarda ang 32 taon na pamumuno ng mga Javier sa probinsya.
Ang pinakamalaking balita sa lahat ay ang mala-David and Goliath na labanan sa pagitan ni Vico Sotto at kasalukuyang mayor ng Pasig na si Bobby Eusebio. Winakasan ni Vico, anak ng tanyag na aktor na si Vic Sotto, ang 27 na taon ng pamumuno ni Mayor Eusebio sa Lungsod ng Pasig. Gaya ng nangyari sa Lungsod ng Maynila, malaki rin ang lamang ni Sotto kay Eusebio.
Ipinapakita ng resulta ng eleksyon na nananatiling gutom sa pagbabago ang mga Filipino. Sinasabing ang pagbabago ay isang solidong daan sa pag-unlad. Tanging pagbabago lamang ang nananatiling permanente sa mundo. Ang isang bagay, gaano man ito tumagal o nanatili, humahantong pa rin sa pagwawakas gaya na lamang ng kapangyarihan mula sa pagkakaluklok sa puwesto sa gobyerno. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
138