PAGDAGSA NG MGA TURISTA SA 2025 INAASAHAN – CONG. MADRONA

BALYADOR ni RONALD BULA

INAASAHAN na ang paglobo ng bilang ng mga turistang daragsa sa Pilipinas sa taong 2025.

Ito ang binigyang diin ni Romblon Lone District Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, chairperson ng Committee on Tourism sa Kamara, isang malaking “plus factor” para sa Philippine tourism ang inaasahang paglobo ng malaking bilang ng mga turista na daragsa sa Pilipinas pagsapit ng 2025.

Dahil dito, naging optimistiko rin si Congressman Madrona na ang inaasahang pagdagsa ng mga dayuhan at lokal na turista pagsapit ng 2025 ay magiging katumbas ng tourist arrival noong 2019 o pre-pandemic.

Ayon kay Madrona, nasa walong milyong turista ang inaasahang daragsa sa Pilipinas na posibleng maging kapantay ng bilang ng tourist arrival noong 2019 o bago pumutok at lumaganap ang COVID-19 pandemic sa Pilipinas, kung saan, umabot ang bilang nito sa 8.3 tourist arrival.

Sinabi ni Madrona na hindi ito imposibleng mangyari sapagkat noong August 9, 2023 pa lamang ay naitala na nasa 3.35 million na ang foreign travelers na bumisita sa Pilipinas. Bagama’t mababa ang nasabing bilang sa 4.8 million tourist na tinatarget ng Department of Tourism (DOT) ngayong taon.

Naniniwala ang kongresista ng Romblon na malaking “factor” ang ginawang “lifting” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa state of public health dahil sa pandemya. Kung kaya’t ito ang siyang nagbigay daan para muling bumalik sa normal ang dating estado o kalagayan ng Philippine tourism.

Ipinaliwanag din ni Madrona na ipinapakahulugan din aniya ng naging aksiyon ni Pangulong Marcos, Jr. na ligtas na bumiyahe sa Pilipinas na lalong nagbukas ng maraming oportunidad para sa sektor ng turismo ng bansa.

Nagbigay pugay rin ang House Committee on Tourism para sa malaking kontribusyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para sa Philippine tourism kasunod ng ibinigay na pagpupugay at pagkilala ng Department of Tourism (DOT) para sa Punong Ehekutibo.

Kinilala rin ni Madrona ang malaking kontribusyon ni Pangulong Marcos para muling sumigla ang turismo ng bansa.

Sinabi ni Madrona na mula nang maupo si Pangulong Marcos, Jr. noong nakaraang taon bilang 17th President, napakalaki ang inunlad ng Philippine tourism sa kabila na naranasan ng bansa ang lupit at bangis ng COVID-19 pandemic na nagpaluhod at gumupo sa turismo ng Pilipinas.

Binigyang diin ng kongresista na napakahusay rin ang naging pagpili ni Pangulo Marcos kay Tourism Secretary Maria Christina Garcia Frasco para pamunuan ang ahensiya sapagkat mula rin nang manungkulan si Frasco ay napakalaki rin ang naiambag nito para muling sumigla ang dating matamlay na Philippine tourism.

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com

210

Related posts

Leave a Comment