PAGHAHANDA SA TAG-ULAN, WALEY

DPA ni BERNARD TAGUINOD

SA forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), tumataas ang probabilidad ng pag-develop ng La Niña mula Hunyo, Hulyo at Agosto ngayong taon.

Ang tanong, anong paghahanda ang ginagawa ng gobyerno para maibsan ang epekto ng matinding pagbuhos ng ulan pagkatapos ng nakapapasong init ng panahon dahil sa El Niño na magtatagal daw hanggang sa unang dalawang linggo ng Mayo.

Tingin ko parang walang ginagawang paghahanda lalo na dito sa Metro Manila na konting ulan lang, matindi na ang pagbaha sa maraming lugar dahil wala naman tayong nakikitang naglilinis sa mga drainage.

Ang haba ng panahon ng tag-init pero mukhang hindi ito sinamantala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para alisin ang mga basura at nanigas na putik sa mga daluyan ng tubig ‘pag umuulan.

Wala tayong nakikitang seryosong paglilinis sa mga estero na punong-puno pa rin ng mga basura kaya huwag na tayong umasa na maiibsan ang pagbaha pagdating ng tag-ulan o kapag nanalasa na ang La Niña.

May mga estero pa rin na natatakpan ng mga barong-barong ng mga kababayan natin na walang opsyon kundi tumira sa ibabaw ng mga estero dahil wala namang mai-provide ang gobyerno na disenteng pabahay sa kanila, kaya hindi ito nalilinis.

Ang masaklap, hindi naman kumikilos sina Mayor at maging mga barangay captain para ipalinis ang mga estero sa kanilang nasasakupang lugar para sa paghahanda sa panahon ng tag-ulan lalo na’t mas maraming ulan ang inaasahang ibubuhos sa panahon ng La Niña kaysa regular na pag-ulan.

Sa mga probinsya, sabik na sabik ang mga tao sa ulan dahil kailangan na kailangan nila ito para makapagtanim na sila dahil matagal nang nakatiwangwang ang kanilang lupain na hindi nagagalaw dahil walang ulan.

Ang problema lang nila ay ‘yung pag-apaw ng mga ilog kapag sumobra naman ang ulan dahil tiyak na masisira rin ang kanilang mga pananim kapag lumubog ito sa baha, pero parang wala ring paghahanda na ginagawa ng Department of Agriculture (DA).

Mukhang nag-aabang lang din ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya ng gobyerno sa posibleng maganap na La Niña dahil walang ginagawang preparasyon para maiwasan ang pagguho ng lupa o kaya para maisalba ang mga taong nakatira sa mga danger zone pagdating ng tag-ulan.

Kung ngayong El Niño ay mahigit P4 billion na ang napinsalang pananim, mas malaki ang inaasahang pinsala kapag nanalasa na ang ulan dahil bukod sa mga agrikultura, ay nanganganib din ang mga imprastraktura sa baha.

Sasabihin ng mga tao, parang hindi ka na nasanay sa gobyerno na palaging reaksyonaryo at saka lang kikilos kapag nandyan na ang problema, pero maiiwasan ang problema kung paghandaan ito bago pa man dumating.

56

Related posts

Leave a Comment