PAGHINGI NG TULONG SA DDCAP, PINAKAMAINAM NA SOLUSYON SA DELIVERY NG BALIKBAYAN BOXES

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

SA pinakahuling update na nakuha natin mula sa Bureau of Customs, sa pamamagitan ng tagapagsalita nito na si Arnold Dela Torre, napag-usapan namin ang gagawing ­hakbang ng kagawaran na may kinalaman sa ­recipients ng ­balikbayan boxes mula sa malalayong lugar at walang kamag-anak dito sa NCR.

Ayon sa tagapagsalita ng BOC, tatlong solusyon daw ang kanilang inilatag ukol dito, ang una ay ang pagdadala ng balikbayan boxes sa mga port kung saan malapit ang claimants upang kuhanin na lang ito. Ang ikalawa ay ang paghingi ng tulong sa Armed Forces Of The Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) at ang ikatlo ay ang paghingi muli ng tulong mula sa DDCAP (Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines) upang mai-deliver ang mga kahon sa bahay ng recipients.

Lahat ng suhestiyon na ito ay pwedeng gamitin para matapos na ang ­problema. Pero sa ganang akin ang pinakamadali pa rin ay ang paghingi ng tulong sa DDCAP. Dahil sa simula pa lang ng problemang ito, ipinakita ng grupo na kaya nilang i-deliver sa bahay ng recipients ang mga kahon kasabay ng paghahatid nila ng mga kahon ng kanilang mga kliyente.

Isang magandang halim-bawa ay ang pitong cargo containers na inabandona ng CMG na kinuha ng Atlas Brokerage and Express Padala na pag-aari ni DDCAP Pres. Joel Longares, inabot lamang ng tatlong linggo ang delivery ng laman ng lahat ng containers na umabot sa halos dalawang libong balikbayan boxes.

Ang paghingi sa tulong sa DDCAP ay idea ni dating MICP Port Collector Romeo Rosales nang magsimula ang problema ng abandonadong containers nang magsimula ang lockdown dahil sa Covid-19 pandemic noong 2020.

Ayon kay Collector ­Rosales, naisip niyang ­hingian ng tulong ang grupo ng DDCAP dahil sila lang ang may kakayanan na i-deliver ang mga laman ng abandonadong containers. Sa isang panayam naman kay DDCAP Pres. Joel Longares, sinabi nito na handa muli silang tumulong sa BOC kung hihingiin naman ito.

Ang hinihiling lang ng DDCAP president sa mga tatanggap ng mga kahon ay kung maaari sana ay magbigay na lang ng “tip” sa mga magde-deliver ng kahon, afterall isinabay lang naman ito sa mga kahon at hindi kasama sa nagbayad na mga kliyente.

Pero kilala sa pagiging mapagbigay si Mr. Longares at minsan na nitong nasabi sa inyong lingkod na kung wala namang pangbigay ng tip ay ok lang dahil ang ginagawa naman daw ng kanilang grupo ay isang serbisyo sa kinikilalang mga “BAGONG BAYANI NG BANSA”.

13

Related posts

Leave a Comment