Mabuti’t mabilis ang pagkilos ngayon ng Department of Health sa isyu ng kalusugang kinakaharap ngayon ng ating bansa.
Ang problema natin ngayon sa kalusugan ay ang delikado at sadyang nakamamatay na polio.
Hindi kasi biro ang sakit na ito at walang lunas kapag tinamaan ka nito. At ang tanging sagot para ito ay maiwasan ay ang bakuna.
Kaya naman dalawang araw matapos na mailunsad ang Sabayang Patak laban sa naturang sakit ay umabot na sa 58 porsyento ang nasaklaw ng pagbabakuna sa mga bata sa lungsod ng Maynila.
Batay pa sa naturang ahensya, layon nilang maabot ang 95 porsyentong pagbabakuna hanggang Disyembre 7.
Kaugnay nito ay inaasahan ang pakikiisa ng mga magulang sa pagbabakunang ginagawa ng pamahalaan.
Hindi rin naman basta bakuna lamang ang kailangan kundi dapat ito ay makumpleto nang husto upang hindi maging kaawa-awa ang magiging biktima nito.
Ang sakit na ito ay maaaring makaparalisa o makamatay ng pasyente kung walang pag-agap na magaganap lalo na sa hanay ng mga magulang dahil ang mga tinatamaan ng peligrosong sakit na ito ay mga bata.
Ang edad ng mga bata na pwedeng mabiktima ng polio ay mga nasa edad lima pababa.
Tatlong shot ng oral polio vaccine (OPV) ang dapat na matanggap ng bata pero dahil mayroon tayong outbreak sa ngayon ay kailangan pa ng karagdagang OPV.
Bilang mga magulang o tagapag-alaga ng mga bata, maiging makinig o makibahagi sa mga itinutulak na kampanya ng pamahalaan sa sakit na dala ng polio. Mabuting abangan ang pagkilos ng gobyerno sa inyong komunidad at iligtas natin ang mga bata sa sakit na ito.
Sa kampanya, ipamalita rin natin ito sa ibang kakilala o kalugar upang hindi masayang ang pagpupursigeng ito laban sa delikadong sakit. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
467