HABANG ang lahat ay nakatutok sa kontrobersiyang dala ng mga Concession Agreement (CA) ng Maynilad Water Services, Inc. at ng Manila Water Co., isang matinding krisis naman ang pinaghahandaan ng dalawang nasabing kumpanya.
Bunsod nang nananati¬ling kritikal na lebel ng Angat Dam ay nanganganib na makaranas ng malubhang kakulangan sa supply ng tubig ang Metro Manila kasama ang ilang mga lugar sa Rizal, Laguna, Cavite, at Bulacan. Tinatayang nasa bilang na 16.5 milyong konsyumer ang maaaring tamaan ng nakaambang na krisis sa supply ng tubig sa bansa.
Sa kasalukuyan, 97% ng kabuuang supply ng tubig sa mga residente ng Mega Manila ay nanggagaling sa Angat Dam, na ayon sa datos ay 60 taon na ang tagal. Tinatayang nasa 4,000 million liters per day o MLD ang kapasidad ng Angat Dam. Ngunit ang dami ng maaaring maisu-supply ng Maynilad at ang Manila Water sa mga konsyumer ay depende lamang sa dami ng supply na manggagaling sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS). Ang MWSS naman ay umaasa lamang din sa dami ng tubig na pinapakawalan ng National Water Resources Board (NWRB).
Ayon sa mga eksperto, ang kakulangan ng supply sa tubig ay epekto ng climate change at ng patuloy na paglaki ng ating populasyon. Mas lumalaki ang demand ngunit ang pinagkukuhanan ng supply ay hindi nada¬ragdagan.
Panahon pa ng pamumuno ng mga Marcos nang magkaroon ng plano na humanap o gumawa ng alternatibong mapagkukuhanan ng supply ng tubig ngunit nakailang palit na ng administrasyon mula noong nabuo ang nasabing plano ay nananatili pa rin itong plano.
Bagama’t nakakakuha rin ng supply ng tubig sa Laguna de Bay at deepwell ang Maynilad at Manila Water, hindi raw sapat ang nakukuha sa mga ito upang mapunan ang kakulangan ng supply na dapat ay nanggagaling sa Angat Dam.
Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, ang naranasang matinding kakulangan sa supply ng tubig noong nakaraang taon partikular na noong panahon ng tag-init ay bahagyang kagagawan din ng gobyerno dahil hindi naisakatuparan ang napakatagal nang nakatenggang plano ukol sa paghahanap ng karagdagang supply ng tubig.
Responsibilidad ng gob¬yerno ang paghahanap at paggawa ng alternatibong supply ng tubig para sa bansa. Sa madaling salita, nagkaroon ng pagkukulang sa u¬saping ito ang mga nakaraang pamunuan kaya nagkakaroon ng kakulangan ng supply sa kasalukuyan.
Tayo’y mapalad na magkaroon ng pangulong agarang umaaksyon sa mga sitwasyong ang maaapektuhan ay ang mga mamamayan. Sa tulong ng Office Development Assistance (ODA) mula sa China, nagdesisyon si Pa¬ngulong Duterte na ipagawa na ang Kaliwa Dam upang magsilbing alternatibong supply ng tubig ng Metro Manila. Ito ay isang desisyon na hindi nagawa ng mga nauna sa kanya.
Kaya lamang, tinatayang aabot pa sa apat hanggang limang taon bago matapos ang Kaliwa Dam. Sa madaling salita, bago tuluyang madama ang maayos at normal na supply ng tubig ay makararanas muna tayo ng kakulangan hanggang sa taong 2025. Tinatayang umabot sa P12.2 milyon ang inilaang budget para sa pagpapagawa ng Kaliwa Dam.
Ayon sa Policy, Planning, and Public Relations Department ng MWSS, pinamamadali raw ni Pangulong Duterte ang pagpapagawa ng nasabing proyekto upang maiwasan ang pagdanas ng panibagong krisis sa kakulangan ng supply ng tubig sa Metro Manila.
Mismong si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, isa sa mga magagaling na ekonomista ni Pangulong Duterte, ay nagbigay na ng pahayag ukol sa nakaambang kakulangan sa tubig na mararamdaman ngayong taon pagpasok ng panahon ng tag-init. Makakaapekto raw ito sa paglago ng ating ekonomiya.
Sa gitna ng nagbabad¬yang krisis sa supply ng tubig, makakaasa tayong mga konsyumer na ginagawa ng Maynilad ang kanilang makakaya upang mapagaan ang epekto ng nasabing krisis sa supply sa kanilang mga customer.
Sa pamamagitan ng pagpapaganda sa pasilidad ng Pututan 1 Water Treatment Plant (WTP), pagpapagawa ng Pututan 2 WTP sa Muntinlupa, pagtutok sa leakage reduction program nito, muling pagpapagana ng mga deepwell, at pakikipagtulungan sa MWSS upang matapos ang Cavite MTP Dam sa Abril ng taong ito, makakapagbigay ng karagdagang 223 MLD na supply ng tubig ang Maynilad sa mga customer nito bago pa sumapit ang panahon ng tag-init.
Sa madaling salita, handa ang Maynilad na harapin ang anumang krisis sa supply ng tubig na maaaring maranasan sa Metro Manila at sa ilang mga lugar na sineserbisyohan nito. Makakaaasa ang mga customer nito na sila ay protektado. Ito rin ay mainam na halimbawa ng magandang bunga ng pagtutulungan sa pagitan ng pribado at pang-publikong sektor. (SA GANANG AKIN / Joe Zaldarriaga)
238