PUNA ni Joel Amongo
ANG tinutukoy po nating kolum ay ang isa na namang aksidente na kinasangkutan ng dalawang barko sa Cebu City kamakailan.
Ang nasabing banggaan ay kinasasangkutan ng MV St. Jhudiel ng Supercat Fast Ferry Inc. (passenger vessel) at isang cargo vessel.
Nakatanggap ang PUNA ng video sa social media kung paanong nagbanggaan ang dalawang barko.
Batay sa napanood nating video ay nagdulot ng takot sa mga pasahero ng passenger vessel ang naturang banggaan ng dalawang barko.
Batay sa impormasyon, ayon kay Captain Florito Norman Teves, ang master ng MV St. Jhudiel na nag-file ng g marine protest sa Marina, sinabi niyang habang ang barko ay namamaniobra sa pantalan nang namatay ang makina nito.
Ang dahilan daw ng aksidente ay ang malakas na agos ng tubig sa Pier 1’s docking area.
Umabot ng labing walong (18) pasahero at tatlong miyembro ng tripulante (crew) ng barko ang nasaktan na agad dinala sa pinakamalapit na ospital.
Sa nakita nating video sa social media ay binangga ng barko ng Supercat ang unahang bahagi ang isang barkong naglalaman ng mga container.
Sa aksidenteng ito na kinasangkutan ng MV St. Jhudiel (Supercat), kailangang lumabas sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) ang totoong pangyayari.
Mabuti na lang din at hindi lumubog ang barko ng Supercat at walang seryosong nangyari sa mga tripulante at pasahero nito.
Ang nabangga ng MV St. Judiel ay ang LCT Poseidon 23 na ang dahilan ay “Steering & Engine Failures” daw.
Tila nagiging paulit-ulit na lamang ang aksidente sa Cebu kaya kailangan malaman kung ito ba ay mayroong navigational buoys at Traffic Separation Scheme at kung properly maintained ito.
Kaya kinakailangang maging mahigpit ang Philippine Coast Guard (PCG) at MARINA sa pagpapatupad ng mga alituntunin na may kinalaman sa paglalayag.
Kung sinasabing engine failure ang dahilan ng aksidente kamakailan na kinasasangkutan ng MV St. Jhudiel at cargo vessel, ay kumpanya na nila ang may pagkukulang.
Kung anoman ang nararapat na kaparusahan sa kanila ay dapat ipatupad ng mga otoridad (MARINA, PCG).
Ika nga “trabaho lang, walang personalan”.
Ang gusto pala natin linawin ay ang binanggit natin sa nauna nating kolum na aksidente noong March 2015 sa Pier 1 sa Cebu na imbes na MV St. Sealtiel ay nagawa nating MV St. Jhudiel.
Ang MV St. Sealtiel at MV St. Jhudiel ay magkaibang barko, pero parehas silang fastcat.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
327