PAGNANAKAW NG MGA KABLE NG KURYENTE, MAPANGANIB AT NAKAMAMATAY

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

ANG mga Pilipino ay likas na mapagmahal sa pamilya. Gagawin ang lahat ng makakaya upang matustusan ang pangangailangan ng mga mahal sa buhay. Ito marahil ang dahilan kung bakit pagpasok ng taong 2020, kung kailan nagsimula ang pandemyang COVID-19 at marami ang nawalan ng hanapbuhay, naitala ng Meralco ang biglaang pagtaas sa bilang ng insidente ng mga pagnanakaw ng kable ng kuryente sa prangkisa nito.

Mula 2020 hanggang Oktubre ng taong ito, 457 na insidente na ang naitala ng Meralco. Sa kabuuang bilang na ito, 106 na insidente ang nagresulta sa pagkawala ng serbisyo ng kuryente at walo naman ang nagresulta sa pagka-aksidente ng mga indibidwal na nagsagawa ng akto ng pagnanakaw. Isa naman ang naitalang namatay.

Bunsod nito, minabuti ng Meralco na maglunsad ng kampanya upang ipalaganap ang impormasyon ukol sa mga panganib at perwisyong kaakibat ng pagnanakaw ng kuryente. Ito ay tinalakay ni Meralco Senior Assistant Vice President at Head ng Operations Services Management Engr. Efren V. Olpindo sa ginanap na press conference ng kompanya kamakailan.

Ipinaliwanag ni Engr. Olpindo na ninanakaw ang kable ng kuryente dahil ito ay naibebenta sa mga “fly by night” na mga junkshop. Aniya nasa humigit kumulang 400 pesos ang bentahan ng mga ito. Binigyang-diin din ni Engr. Olpindo na bagaman maituturing na malaking halaga ito para sa iba, hindi ito sulit kung ang kapalit ay ang posibilidad ng pagkakaroon ng permanenteng pinsala sa katawan o pagkamatay.

Sa panayam kay Engr. Olpindo sa isang programang ­teleradyo, ipinakita ang mga larawan ng mga naaksidenteng indibidwal at makikitang matindi ang natamong pinsala sa katawan ng mga ito.

Ayon kay Engr. Olpindo, 3rd degree burns ang sinapit ng mga magnanakaw. Marahil malakas ang loob ng mga ito dahil kapag hinawakan ang kable ng kuryente, hindi naman ito agad makukuryente.

Ayon kay Engr. Olpindo, ang mga kable ng kuryente na may matataas na boltahe ay nakabalot kaya’t hindi agad makukur­yente ang sinomang hahawak dito. Kapag sinimulan na itong lagariin gamit ang lagaring bakal at umabot na sa bakal na nasa loob ng kable na may mataas na boltahe, saka ito sumasabog at makakakuryente.

Walang epekto sa kinikita ng Meralco ang mga insidente ng pagnanakaw ng kable ng kuryente. Ito ay mas may epekto sa mga customer na nawawalan ng kuryente, at sa mga magnanakaw na naaaksidente. Ang kampanyang isinasagawa ng ­Meralco ay bahagi ng dedikasyon nitong makapaghatid ng mahusay na serbisyo sa higit 7.5 milyong customer nito.

Nagbigay rin ng paalala ang Meralco ukol sa mga parusa sa nagnanakaw ng kable. Maaaring makulong ang mga ito dahil ang pagnanakaw ay maituturing na criminal act. Samantalang ang mga junkshop na mahuhuling bumibili ng mga nakaw na ­kable ay maaaring ihabla ng Meralco sa paglabag sa Anti-­Fencing Law.

Seryoso ang Meralco sa kampanyang ito dahil ito ay nakaaapekto sa kaligtasan ng mga customer at ng mga magnanakaw. Hindi malalapatan ng halaga ang buhay ng isang tao kaya’t binibigyang-diin ng Meralco na hindi sulit ibuwis ang buhay para sa magkanong halaga na maaaring kitain mula sa pagbebenta ng mga nakaw na kable ng kompanya.

16

Related posts

Leave a Comment