PAGSISANTE SA MGA PULIS NA SANGKOT SA 14 MAGSASAKA, HINDI SAPAT!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Tila mula lamang sa isang iskrip ng telenovela ang pagtatanggal umano sa mga pulis na sangkot sa masaker ng 14 na magsasaka sa Negros Oriental. Para sa Bayan Muna, ito ay pag-ampat lamang ng Philippine National Police sa galit ng mamamayan sa animo’y tokhang sa mga magsasaka sa probinsya.

Nito lamang ika-30 ng Marso, pasado hatinggabi, naganap ang masaker ng magsasaka sa magkakanugnog na baryo. Ayon sa pahayag ng PNP, nanlaban daw ang magsasaka at namatay sa isang shootout. Pero ayon sa mga saksi, pinasok ng 10 unipormadong personel ng pinaghalong puwersa ng Philippine National Police at Philippine Army ang tahanan ng lider-magsasaka na si Edgardo Avelino, chairman ng Hugpong-Kusog Mag-uuma sa Canlaon o HUKOM. Imbes na maglabas ng search warrant ang mga armadong elemento ng estado, baril ang kanilang inilabas, at agad na pinaputukan si Edgardo pati ang kaniyang kapatid. Bunga ng mapa­nupil na militarisasyon ng Negros Oriental, walo ang pinatay sa Canlaon, apat ang pinatay sa Manjuyod, at dalawa naman ang pinatay sa Sta. Catalina.

Ang pagtanggal sa mga pulis ay isa lamang palpak na iskrip ng PNP upang maampat ang galit ng mga mamamayan sa walang-habas nitong pagkitil ng buhay. Hindi ito ang hustisyang ating hinahanap!

Bukod pa, ayon mismo kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, ang mga tinanggal na pulis ay hindi ang mga sangkot sa masaker. Ang pagpatay sa mga magsasaka ay plano ng Regional Police sa ilalim ni Brig. Gen Debold Sinas. Sila ang dapat na managot!

Ang hamon ng Bayan Muna sa pulis at military ay ilabas ang mga pangalan ng lahat ng sangkot sa madugong operasyong ito. Hara­pin nila ang kasong ihahabla sa kanila! (KAKAMPI MO ANG BAYAN / TEDDY CASIÑO)

82

Related posts

Leave a Comment