RULES OF ENGAGEMENT

SIDEBAR

Pinaninindigan ng lide­rato ng Philippine National Police na isang lehitimong operasyon ng Negros Oriental police provincial office ang 30 magkakahiwalay na raid noong Marso 30 na naresulta sa pagkamatay ng 14 na magsasaka at pagkakadakip ng 12 iba pa.

Subject ng arrest warrant ang 26 na katao na saying target ng police operation na isinagawa sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod ng Canlaon at mga munisipalidad ng Manjuyod at Santa Catalina sa Negros Oriental.

Ayon kay PNP chief Gen. Oscar Albayalde, armado ang 14 na subject ng search warrant na  napatay ng mga pulis matapos manlaban gamit lang kanilang mga baril. Mga miyembro umano ng rebeldeng New People’s Army ang napatay na 14 na magsasaka.

Sa gitna ng mga panawagan ng mga human rights groups at Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) kung saan miyembro ang mga napatay na magsasaka, ipinag-utos ni Gen. Albayalde ang pagsibak sa puwesto ng apat na opisyal ng PNP sa Negros Oriental para magbigay daan sa imbestigasyon na isasagawa ng Internal Affairs Service (IAS) at Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM) sa Camp Crame.

Magiging subject ng imbestigasyon ng IAS at DIDM sina Police Col. Raul Taca, provincial director ng Negros Oriental; Police Lt. Col. Patricio Dagay, hepe ng Canlaon City police; Police Lieut. Kevin Roy Mamaradlo, hepe ng Manjuyod Municipal Police Station at Police Capt. Michael Rubia, hepe ng Sta. Catalina MPS.

Ang malamang na ma­ging pokus ng imbestigasyon ng PNP ay kung lehitimong police operation ang isinagawa ng mga elemento ng Negros Oriental police provincial office   at kung mahigpit na sununod ng mga operatiba ang “Rules of Engagement.”

Malinaw sa umiiral na “Rules of Engagement” ng PNP na puwede pang putukan ng mga operatiba ang suspect o grupo ng suspect kung ang mga ito ay armado at unang nagpaputok ng baril laban sa mga alagad ng batas.

Dito papasok ang mga testigo ng mga pulis sa Negros Oriental at gayundin ang mga asawa ng ilang nasawi na nagsabing walang mga baril ang kanilang mga asawa kaya imposibleng nanlaban ang mga ito.

Malamang na busisiin din ng IAS at DIDM ang pagiging lehitimo ng police operation sa pamamagitan ng pagrepaso sa mga arrest warrant at kung may case operation plan ang mga pulis na siyang na­ging basehan ng kanilang simultaneous raids noong Marso 30 na nagresulta sa pagkamatay ng walong magsasaka sa Canlaon City — ang magkapatid na sina Ismael and Edgardo Avelino; Melchor Pañares at anak na si Mario; Rogelio Recomono at anak na si Ricky; Gonzalo Rosales at Genes Palmares.

Sinasabing si Edgardo Avelino ang chairman ng Hugpong Kusog sa Mag-uuma sa Canlaon City na kaanib ng militanteng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Napatay naman sa munisipalidad ng Manjuyod ang mga magsasakang sina Steve Arapoc at Manulo Martin at mga kapitan ng barangay na sina Valentin Acabal ng Bgy. Kandabong at Sonny Palagtiw ng Bgy. Panciao.

Dalawa naman ang napatay sa munisipyo ng Santa Catalina at ito ay sina Franklin Lariosa at Ano Enojo Rapada.

Nasa interes ng PNP ang mabilisan at obhetibong imbestigasyon sa mga sangkot sa police operations sa Negros Oriental at kung may lumabag sa rules of engagement ay agad mapatawan ng karampatang parusa nang sa gayon ay makita ng mga human rights groups at pamilya ng mga napatay na hustisya ang pinapaiiral ng PNP. (SIDEBAR / RAYMOND BURGOS)

93

Related posts

Leave a Comment