PAIIYAKIN NA NAMAN TAYO NG SIBUYAS

MAY pampakalma na naman ang pamahalaan sa pagkaligalig at balisa ng publiko sa tumataas uling presyo ng sibuyas.

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi na aabot sa P700 ang presyo ng kada kilo ng sibuyas, tulad ng nangyari noong nagdaang Kapaskuhan.

Bago ito, sinabi ng DA na posibleng mag-angkat ang pamahalaan ng 22,000 metric tons ng sibuyas para makontrol ang supply at presyo.

May kasiguruhan ba ang paniniyak na ito, at ang tunay na rason at layunin ng pag-angkat ng sibuyas?

Ang isa sa dapat gawin ng pamahalaan ay gumawa ng hakbang para mapigilan ang negosyante na nagdidikta ng pagtaas ng presyo ng sibuyas. Marami ang nananamantala dahil ligtas sa pananagutan.

At hindi rin importasyon ang reresolba sa kakulangan ng suplay at mataas na presyo ng sibuyas.

Nangyari na ang miserableng kondisyon noong nakaraang taon. Matuto na sana ang pamahalaan at iwasto ang pagkakamali, at kung kinakailangan, panagutin ang mga ganid na nananamantala sa kahirapan ng mamamayan.

Maganda ang punto ni Senator Risa Hontiveros sa panukala niyang Senate Bill No. 2205, na mag-aamyenda ng mga probisyon ng Republic Act No. 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act, upang papanagutin ang mga empleyado at opisyal ng pamahalaan na napatunayang nakikipagsabwatan sa agricultural smugglers. Mula nang naipasa ang batas noong 2016, kahit may mga naiulat na pagkumpiska sa mga puslit na produkto ay walang pinanagot na mga indibidwal, grupo o korporasyon. Kaya tuloy ang “PUSLITAN” na ligtas sa pananagutan.

Dapat tingnan ng gobyerno ang mali noong isang taon, itama ang pagkakamali, at lagyan ng pangil ang batas. Hindi mahirap gawin kung isasaalang-alang ang publiko na sadsad na sa kahirapan.

Ang hindi rin makita ay ang pagtatalaga ng tunay at may kakayahan at may ilalaang buong atensyon sa liderato ng departamento ng agrikultura. Hindi akma sa posisyon ang lider na gumagala sa ibang bansa.

Paiiyakin na naman tayo ng sibuyas, tulad ng ginawa nito noong kapaskuhan.

207

Related posts

Leave a Comment