CLICKBAIT ni JO BARLIZO
IBINASURA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mungkahing bawasan ang taripa o buwis sa imported na bigas upang mapababa ang presyo ng lokal na bigas sa mga pamilihan.
Hindi raw ito ang tamang panahon para ibaba ang taripa sa imported na bigas dahil sa tantiyang bababa ang presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Aba, nahimasmasan ata ang Pangulo at mas sinilip at kinatigan ang panawagan ng ilang grupo ng magsasaka kaysa bulong ng kanyang economic managers.
O gusto lang niyang magpapogi dahil malinaw na bumabagsak na ang tiwala ng taumbayan sa kanyang administrasyon?
Ang pagbasura ni Marcos Jr. sa mungkahing bawasan ang buwis sa imported na bigas ay humagilap ng samu’t saring reaksyon, ngunit ang dapat timbangin dito ay kung ano ang higit na magbibigay ng benepisyo partikular sa mga magsasaka, at interes ng publiko sa pangkalahatan.
Ayon sa Pangulo, ibinababa ang taripa kung ang presyo ng bigas ay tumataas.
Tutol nga ang ilang grupo ng magsasaka na ibaba ang taripa dahil sa negatibong epekto nito at ang mga importer lamang ang makikinabang nito. Babagsak pa ang ang presyo ng palay at mawawalan ng gana ang mga magsasaka na palaguin ang kanilang ani.
Ano ang saysay ng price cap sa bigas kung ganun? ibig sabihin, pansamantalang solusyon sa gawa-gawa lang na problema?
Kaya hindi na dapat pag-aralan pa kung tatanggalin o pananatilihin ang price cap gayung nakasandig na ang pamahalaan sa anihan na magdaragdag sa supply ng bigas sa bansa.
Pero ang hindi nakikita ng gobyerno ay ang banta ng El Niño at iba pang kalamidad sa presyo at stock ng bigas.
Ang taripa ay buwis na nakokolekta sa imported na mga produkto at ang kita. Bukod sa dagdag-kita ng gobyerno, ito ay nagagamit para paunlarin ang lokal na industriya dahil sa pagpataw ng buwis sa mga kakumpitensya. Dahil sa buwis, magiging abot-kamay ang presyo ng mga lokal na produkto kumpara sa inangkat.
Nakasaad sa Republic Act 11598 na ang kita sa rice import tariff na sumobra sa P10 billion ay dapat gamitin para sa direktang pagbibigay ng cash assistance sa mga magsasakang nagbubungkal ng dalawang ektaryang lupa at pababa.
Kung gayun, apektado ang programang ito sakaling bumaba ang taripa sa inaangkat na bigas.
Ano talaga ang tugmang solusyon sa mataas na presyo ng bigas sa lokal na pamilihan?
Habulin ang mga rice hoarder at smuggler. Ang tagal na ‘tong sinasabi pero hanggang salita at sa papel na papogi lang ginagawa.
Ayon naman sa pahayag hinggil sa rice tariffication ng Philippine Rice Research Institute, ang revenues ay mapupunta sa Rice Competitiveness Enhancement Fund na gagamitin para sa farm machinery at equipment, gayundin para sa ayudang pinansyal sa mga magsasaka.
Teka, kung masagana na ang supply ng bigas dahil anihan na, ibig sabihin wala talagang basehan ang pagpapababa ng taripa ng inaangkat na bigas?
Sino ang makikinabang?
Paikot-ikot lang ang problema sa presyo ng palay at bigas at kahit ilang tumbling pa ang gawin ng gobyerno ay hindi ito mapipigilan.
Ang pangmatagalang solusyon ay iangat ang sektor ng agrikultura para madagdagan ang inaani. Maibaba rin ang production cost ang susi sa pagbaba ng presyo ng bigas.
Kung hindi maibibigay sa mga magsasaka ang kanilang kailangan tulad ng mga makinarya, at kapag hindi pinabuti ang irigasyon na dapat ay napakikinabangan ng lahat, ay tanggapin na natin ang sirkulo ng taas-baba o baba-taas o kaya walang patid na serye ng pagtaas ng presyo ng bigas.
588