PALIWANAG NI CONG. TULFO TUNGKOL SA AKAP AT SUPORTA NG DOT SA PHILTOA

TARGET ni KA REX CAYANONG

HINDI maitatanggi na ang pahayag ni ACTS-CIS Rep. Erwin Tulfo hinggil sa pangangailangan ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), ay nagpapakita ng kanyang paninindigan sa tamang pagpapatupad ng nasabing programa.

Aniya, mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw na mga alituntunin upang matiyak na maayos at epektibo ang pagbibigay ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan.

Muli niyang ipinaalala na ang AKAP ay hindi dapat gamitin para sa anomang layunin sa pulitika, bagkus ay nilikha ito upang matulungan ang mga manggagawang hindi naabutan ng mga ayuda mula sa gobyerno.

Sa ilalim ng programa, layon nitong bigyan ng tulong pinansyal ang mga katulad ng mga fast food crew, security guard, driver, at iba pang hanapbuhay na hindi kayang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Tinukoy ni Rep. Tulfo na ang AKAP ay isang konsepto na nabuo bago pa man ang mga usaping Charter change (Cha-cha) o People’s Initiative (PI), kaya’t hindi dapat itong idawit sa anomang pulitikal na adhikain. Sa kanyang pananaw, ang paggamit ng AKAP para sa ganitong layunin ay maaaring magdulot ng agam-agam at maaaring makaapekto sa layunin nitong tulungan ang mga nangangailangan.

Sa kabila ng mga alegasyon at posibleng pulitikal na motibo ng ilan, nananatiling tapat si Rep. Tulfo sa kanyang paniniwala na ang AKAP ay para sa kapakanan ng mga manggagawa.

Kaya hinimok niya ang publiko na huwag gamitin ang nasabing programa para sa pulitika at ipaunawa na ito ay para sa kabutihan at hindi para sa anomang personal na interes.

Samantala, patuloy ang suporta ng Department of Tourism (DOT) sa Philippine Tour Operators Association (Philtoa), na nagpapakita ng malasakit at pagkilala sa kontribusyon ng samahan sa pagpapalago ng sektor ng turismo sa bansa.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, ang Philtoa ay may mahalagang papel sa pagpapalakas ng sektor ng turismo sa pamamagitan ng kanilang mga programa at pagbibigay ng impormasyon sa tour operators.

Ang kanilang dedikasyon sa pagpapalaganap ng kaalaman at kasanayan sa larangan ng turismo ay naglalayong hikayatin ang mas maraming mamumuhunan na suportahan ang industriya ng turismo sa Pilipinas.

Sa tulong ng DOT, inaasahan ng Philtoa na patuloy silang makatatanggap ng suporta at tulong para sa anomang pangangailangan na makatutulong sa pagpapalago ng kanilang mga negosyo.

Ipinakikita nito ang pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan upang mapalakas at mapalawak ang industriya ng turismo sa bansa.

Sa kabuuan, ang pagsuporta ng DOT sa Philtoa ay isang halimbawa ng maayos na pakikisama at kooperasyon sa pagitan ng pribadong sektor at ng pamahalaan, na naglalayong magtaguyod ng mas matatag at progresibong industriya ng turismo sa bansa.

58

Related posts

Leave a Comment