PALUSOT

DPA ni BERNARD TAGUINOD

PALAGAY ko, palusot lang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mababaw na mga ilog lalo na sa Metro Manila, kaya kahit napakaraming flood control projects ang ginagawa ay bumabaha pa rin.

Araw-araw ay isang bilyong piso ang ginagastos ng ating gobyerno sa flood control projects pero hindi kayang gastusan ang paghuhukay sa mga ilog kasama na ang Pasig River at Laguna Lake?

Kung talagang nais ng gobyerno na mawala ang baha o hindi magtagal ang baha kapag panahon ng tag-ulan, iprayoridad ang paghuhukay sa mga ilog bago gumawa ng mga drainage na wala namang pakinabang pala.

Kailangang sabay-sabay ring linisin ang mga ilog sa buong Metro Manila na punong-puno ng mga burak at basura pero walang nakakaisip n’yan sa mga opisyales ng gobyerno kasama na ang local executives gayung ang tataas ng pinag-aralan ng mga ‘yan ha.

Dapat ang mga burak na mahahakot sa mga ilog ay ilagay sa mga kabundukan o ipanambak at hindi ‘yung ilalagay lang sa tabi dahil siguradong aanurin lang ulit ang mga ito at babalik sa riverbed… sayang ang pera.

Alam pala nila na ang dahilan kung bakit bumabaha ay dahil mababaw na ang mga ilog, ay hindi pa ‘yun ang unahing resolbahin at inuuna ang mga drainage a.k.a. flood control projects na napakamahal.

Ang nangyayari, parang trial and error ang gobyerno natin eh. Susubukan munang gumastos sa mga ganitong uri ng proyekto at kapag pumalpak ay sasabihin sa atin na kaya bumabaha ay dahil mababaw na ang mga ilog.

Parang sinasadyang ayaw tumbukin ang pinaka-ugat ng problema. Hindi ko alam kung dahil sa ngalan ng pera dahil walang naniniwala na walang kumikita sa flood control projects na ito, marami nga, hindi naman matibay talaga.

Kung sa maliliit na mga kalsada ay may naririnig tayong pinagkakitaan ng politikong nakasasakop sa lugar, paano na lamang ang flood control projects na nakabaon sa lupa at hindi nakikita ng mga tao?

Kesyo wala silang sapat na pondo para makabili ng mga makina na maghuhukay sa mga ilog pero ‘pag proyekto na pwedeng pagkunan ng komisyon ay meron silang pondo? Anong klaseng gobyerno yan?

Sinisisi rin ang mga tao sa mga basura na isa sa mga dahilan kung bakit bumabaha sa Metro Manila pero wala namang silang ginagawa para parusahan ang mga hindi sumusunod sa batas hinggil sa tamang waste disposal.

Napapaisip tuloy ang mga tao. Pinagkakakitaan ng mga korup ang baha dahil habang may baha ay marami silang gagawing proyekto at habang maraming proyekto, marami silang income lalo na kung ang politiko ay kontratista rin ang pamilya. Gets n’yo?

69

Related posts

Leave a Comment