3 MONTHS NAT’L TAX HOLIDAY IPINANUKALA SA KAMARA

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

NAIS ni Kamanggagawa Representative Eli San Fernando na ‘wag muna magbayad ng buwis sa loob ng tatlong buwan ang mga Pilipino para kahit paano mabawasan ang kanilang kahirapan na dinaranas ngayon sa gitna ng kaliwa’t kanang korupsyon sa pamahalaan.

Ito ay sa pamamagitan ng panukala ni Congressman San Fernando na ‘3 Months National Tax Holiday’ o tigil muna ng pagbabayad ng buwis ng mga manggagawa sa buong bansa.

Ayon kay Congressman San Fernando, kasama sa sakop ng kanyang panukala ay mga pribado at pampublikong manggagawa sa Pilipinas.

Ayon pa sa kanya, sobrang nabibigatan na ang mga manggagawa sa pagbabayad ng kanilang buwis na awtomatikong kinakaltas sa kanilang sweldo bago pa nila ito matanggap, samantala ang mga korap na government officials na nagnanakaw ay nagpapasarap lang gamit ang mga buwis na ibinayad ng mga manggagawa.

Aniya, hindi makatarungan para sa milyun-milyong Pilipinong manggagawa na ganyan ang nangyayari kaya dapat lang minsan naman ang kinakaltas na buwis sa kanila na ibinabayad sa pamahalaan, ay sila naman ang makinabang.

Binanggit pa ng mambabatas na makikinabang din naman ang pamahalaan sa ‘3 Months Tax National Holiday’ dahil iikot din ang perang ito dahil ibibili rin ito ng mga manggagawa.

Naniniwala si Congressman San Fernando na maisasabatas ang kanyang panukala dahil walang ibang makikinabang nito kundi ang milyun-milyong Pilipinong manggagawa kasama ng kanilang pamilya.

Sinabi pa ng mambabatas na ngayon linggo ang kanyang gagawin ay kakausapin niya ang kanyang mga kasamahan sa Kamara para makumbinsi na sang-ayunan ang kanyang panukalang batas.

“Kapag naging batas ang ‘3 Months Tax National Holiday’ ay magkakaroon ng ekstrang pera ang mga Pilipino na magagamit na pambili ng pangangailangan ng kanilang pamilya,” ayon pa kay San Fernando.

Si San Fernando ay isa sa mga kongresista na galit na galit sa matinding korupsyon na nangyayari ngayon sa pamahalaan na ang itinuturong mga utak ng katiwalian ay hindi pa rin nasasampahan ng kaukulang mga kaso.

Ang mga nasampahan ng kaso ay magmula pa lamang kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co pababa, subalit ang naglagay sa kanya bilang chairman ng Committee on Appropriations sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na si dating House Speaker Martin Romualdez at si Pangulong Bongbong Marcos, Jr., ay tila pinagtatakpan pa ng ilang senador.

Kamakailan ay naglabas si Co ng video part 1, 2 at 3 na sinabi niyang nagde-deliver siya ng male-maletang pera kina Martin Romualdez at Pangulong Marcos, na kanyang itinuturing na mga boss.

Samantala, kamakailan ay nagsalita na rin ang maraming artista na sinabing nanghihinayang sila sa pagbabayad ng kanilang buwis dahil ninanakaw lang naman ito ng mga korap na mga opisyal ng pamahalaan kasama na ang mga mambabatas.

Maging ang overseas Filipino workers (OFWs) ay nagpaplano na rin ng non-remittance o tigil muna ng pagpapadala ng pera sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas bilang bahagi ng kanilang protesta.

Umaangal na rin ang OFWs sa malalang korupsyon sa Pilipinas na hindi naman napapanagot ang mga utak ng katiwalaan, na ayon kay Senator Rodante Marcoleta ay tila mga butete at sapsap lamang ang nasasampahan ng mga kaso.

oOo

Binabati pala natin ng HAPPY, HAPPY BIRTHDAY si CRESENCIA “KAKAY” RAGARO na kahapon ay ipinagdiwang ang kanyang ika-46 na kaarawan.

Nawa’y dumami pa ang birthday mo sa ibabaw ng mundo.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

23

Related posts

Leave a Comment