DPA ni BERNARD TAGUINOD
EYE opener ang anomalya sa flood control projects, na dapat subaybayan at bantayan ang appointees dahil marami sa kanila ang gumagawa ng kabalbalan na hindi napapansin ng publiko dahil nakatutok lang ang lahat sa elected officials tulad ng mga congressman, senador, vice president at president.
Tulad na lamang itong kaso ng grupong tinatawag na “ATM” na sina Adrian Bersamin, Trigve Olaivar at Mina Pangandamana na inakusahang sangkot sa flood control projects, appointees lang naman ang mga ito eh.
Walang basbas ang taumbayan sa appointment ng appointees mula Malacañang hanggang sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno dahil tanging ang Pangulo ng Pilipinas ang nag-appoint sa kanila.
Ang appointees na ito ay nagbibitbit din ng kanilang sariling mga tao para tumulong sa kanila sa pagpapatakbo ng isang ahensya ng gobyerno pero wala sa kanila ang interest ng taumbayan.
Laging nakatutok kasi ang mga tao sa mga congressman, senador at lahat ng elected officials at hindi napapansin ang appointees na ito na sa totoo lang ay marami sa kanila ang naghahanapbuhay lang at hindi nagsisilbi.
Marami sa appointees ay nagsimula bilang mga ordinaryong empleyado ng mga senador at congressman at dahil sa kanilang trabaho ay napapalawak nila ang kanilang koneksyon sa iba’t ibang grupo ng mga politiko.
Meron din sa kanila ang nagkakaroon ng pagkakataon na makakonek sa mga oligarch lalo na kung ang kanilang mga dating amo ay nagkaroon ng transaksyon sa malalaking mga negosyanteng ito na karaniwang bahagi sa mga nagdedesisyon kung sino ang dapat maupo sa mga ahensya ng gobyerno.
Kaya kapag nagkaroon ng bagong gobyerno, gagamitin ng appointees na ito ang kanilang koneksyon at experience sa opisina ng iba’t ibang mga politiko kung saan sila nagtrabaho, at koneksyon para sila ay ma-appoint.
Pero marami sa kanila ang gumagawa ng kabalbalan dahil wala sa kanila ang atensyon ng sambayanang Pilipino. Hindi naman nilalahat pero marami sa kanila ang nagpapayaman at hindi nagsisilbi sa bayan.
Walang kabusugan ang mga taong ito dahil kapag natapos na ang termino ng administrasyon na unang nag-appoint sa kanila ay lilipat ng barko ang mga ito para muli silang ma-appoint sa ahensyang nais nila. Walang delicadeza kung baga.
Ano ang kanilang motibo para magpa-appoint nang magpa-appoint kahit sinong uupo sa Malacañang? Eh ‘di para hindi maputol ang marangyang pamumuhay ng kanilang pamilya at kabit kung meron man!
Saka, sa tagal nilang nagsisilbi kuno sa bayan, may maiambag ba sila sa pag-unlad ng bayan? Sila ang umunlad hindi ang taumbayan!
26
