LACSON BIASED?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MARAMI ang naka-PUNA kay Senator Panfilo Lacson na mistulang naging tagapagtanggol na ni Pangulong Jujun Marcos, sa pananalita niya sa Senado kaugnay sa sinabi ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co laban kina dating House Speaker Martin Romualdez at PBBM.

Sinabi ni Lacson na ginamit lang daw nina Usec. Trygve Olaivar at Usec. Adrian Bersamin ang pangalan ni Junjun Marcos sa 100-billion-peso insertion na may 25% komisyon para kay PBBM.

‘Yan daw ang sabi sa kanya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa kanilang pag-uusap.

Ganun, bakit kayong dalawa lang ang nag-uusap ng sekreto at bakit hindi mismo si Bernardo ang nagsabi sa publiko at kailangang ikaw pa, Mr. Senator? Kayo na ba ang nasusunod sa sasabihin ni Usec. Bernardo?

Sabi tuloy ni Atty. Ferdinand Topacio, ikaw na ang naging tagapagtanggol ni Junjun Marcos.

Maging sina Atty. Neil Abayon at Atty. Harold Respicio ay ‘yan din ang pananaw na ikaw na ang tumatayong abogado ni Junjun Marcos.

Maraming Pilipino na rin ang nagdududa sa ‘yo kung bakit naging ganun ang pananalita mo sa Senado. Gagawin ba ng dalawang undersecretary ang ganoong kalaking halaga ng pera na insertion na hindi alam ni Junjun Marcos?

Sige sabihin natin na hindi alam ni Junjun Marcos ang pagkuha ng kickback na 25% sa 100-billion-peso insertion na may katumbas na 25 billion-peso ng dalawang usec. na ito. Wala pa ring pananagutan si Junjun Marcos?

Pangalawa, maglalakas ba ng loob sina Olaivar at Bersamin na kumuha ng ganyang kalaking pera nang walang basbas ni Junjun Marcos? Imposible ‘yan.

Bakit hindi mo ipatawag sina Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, Usec. Olaivar at Bersamin?

Hindi mo pa nga natatanong ang mga itinuturo ni Zaldy Co na kausap niya na sina Pangamdaman, Olaivar at Bersamin, may konklusyon ka na agad sa isyu? Hindi na ako makapaniwala sa ‘yo, Mr. Senator, sa mga sinasabi mo. Dati bilib ako sa ‘yo pero ngayon isa na ako sa milyong Pilipino na nagdududa sa ‘yo.

Nagsisisi tuloy ngayon ang mga Pilipino na bumoto sa ‘yo nitong nakaraang eleksyon, dahil pinagtatakpan mo pa ang itinuturong pinakamalaking nakinabang sa korupsyon sa pamahalaan.

Hindi lang ang mga Pilipino ang naka-PUNA sa ‘yo sa ginawa mong pagtatakip o pagtatanggol kay Junjun Marcos, pati ang mga de-kampanilyang abogado ay iisa ang kanilang sinasabi, naging bias ka sa pagtrato sa pagbubulgar ni Zaldy Co laban kay BBM.

Pati tuloy ang Blue Ribbon Committee ngayon sa Senado na pinamumunuan mo, ay nababahiran na rin ng pagdududa. Sabi tuloy ng marami, sana hindi ka na lang bumalik na chairman ng nasabing komite.

Saan na ngayon ang sinasabing pagiging independent ng Legislative (Senado) sa Executive (Office of the President)? Ay naku, ang inaasahan na tagapagtanggol ng mga Pilipino, sila pa ang natatakip sa mga itinuturo.

Iba na ngayon ang Pilipinas, ang mga nagtuturo laban sa gumawa ng krimen ay sila pa ang iniimbestigahan, samantalang ang pinaghihinalaang gumawa ng krimen ay sila pa ang ipinagtatanggol. Saan pupulutin ang ating Inang Bayan?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

29

Related posts

Leave a Comment