PALUSOT NG DOTR: SABOTAHE SA NAIA

PARA sa Department of Transportation (DOTr), hindi malayong sinadya ang pinakahuling aberyang nagdulot ng perwisyo at abala sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

‘Yan ang palusot ng DOTr matapos ang panibagong aberyang nagdulot ng perwisyo sa libo-libong pasahero bunsod ng power outage na naganap kasabay ng taunang paggunita sa Araw ng Manggagawa.

Ayon kay Transportation Sec. Jaime Bautista, nakakaduda ang aniya’y ‘timing’ ng aberya na tila ba pinagbibintangan pa ang mga manggagawa, kasabay ng giit na walang problema sa main circuit breaker sa NAIA.

Sa isang banda, mas mainam nga namang iba na lang ang sumalo ng sala kaysa kanilang tila walang natutunan sa katulad na aberya, ilang buwan pa lang ang nakararaan.

Bago pa man ang naturang aberya, umani ng kabi-kabilang batikos ang DOTr bunsod ng insidenteng naganap noong unang araw ng Enero kung saan naparalisa ang operasyon ng NAIA matapos maputol ang supply ng kuryente sa paliparan, gayundin ang komunikasyon sa mga eroplanong nasa himpapawid pa lamang.

At para mas kapani-paniwala, nagkasa pa ng pulong kasama ang mga bigating ahensya para raw tukuyin kung saan talaga ang problema.

Kung susuriing maigi ang nakalipas na mga pahayag ng DOTr, pwede rin namang iba ang kanilang adyenda – ang isinusulong na privatization ng NAIA kung saan limpak-limpak ang nakaambang ganansya.

Alin sa dalawa? Iwas-purnada o bonggang ganansya?

125

Related posts

Leave a Comment