PALUSOT

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HINDI kaya nahihiya ang transport officials sa ating bansa at maging ang mga kontraktor sa infrastructure projects, sa taxpayers na nauubos ang oras sa kalsada dahil sa matinding problema sa trapiko?

Noong Martes ng gabi, ang lupit ng trapik sa kahabaan ng Commonwealth Ave., Quezon City dahil maghahating-gabi na eh halos walang galawan ang mga sasakyan kahit ito ang pinakamalawak na kalsada sa Metro Manila.

Noong nakaraang linggo naman, bumuhos lang ang konting ulan, stand-still na ang trapik sa Quezon Avenue papasok sa Quezon City Memorial Circle na nakadagdag pagod sa mga manggagawa na imbes na nakapagpahinga na ay nasa gitna pa lamang ng kalsada at nananalangin na humupa ang baha para umusad na ang mga sasakyan.

Araw-araw ay ganito ang eksena sa Metro Manila at mas lalala pa ang problema kapag umulan ng kahit sandali lang, kaya ang tanong, hindi ba nagi-guilty ang transportation officials at mga kontraktor ng mga government project para magkaroon ng alternatibong transportasyon ang mga tao?

Tulad na lamang nitong MRT 7 na itinayo para mapadali ang biyahe ng commuters mula sa San Jose del Monte City sa Bulacan patungong North EDSA-Quezon City at vice-versa, na 5 taon nang delay.

Sa original na plano mula nang pasinayaan ito ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong Abril 20, 2015, matatapos ang proyekto sa taong 2019 pero 2024 na ay hindi pa tapos as in 5 taon nang delay.

Kesyo may problema sa right-of-way lalo na sa Bulacan kaya nade-delay ang proyekto pero mukhang idinadahilan na lang nila ‘yan dahil ang mga istasyon mula sa QC Circle hanggang sa Tala, Caloocan City ay hindi pa tapos.

Kung ang right of way lang sa Bulacan ang problema, bakit hanggang ngayon ay hindi matapos -tapos ang mga istasyon na bababaan at sasakyan ng commuters? Dapat tapos na ito at may tumatakbo nang tren kahit hanggang sa Tala, Caloocan City man lamang.

Mukhang palusot lang ang problema sa Bulacan at hindi nila sinasabi sa atin ang tunay na dahilan ng delay. Sa huling bahagi pa lamang daw ng 2025 mabubuksan at partial operation pa lang ‘yan ha.

Ang MRT 7 ang dahilan kung bakit nagtaasan ang presyo ng mga lupa sa mga lugar na daraanan ng tren na ito at ito rin ang inaasahan ng mga tao na alternatibong transportasyon para hindi na sila gumamit ng kotse.

Napipilitan ang mga tao na bumili ng sasakyan dahil walang maayos na transportasyon sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan, kahit dagdag gastos ito sa kanila mula sa gasolina at maintenance at nakadaragdag sila ng problema sa trapiko.

Kahit ‘yung sinasabi n’yong mga slum area o squatter area, maraming naka-kotse d’yan o kaya naka-motor na nagpaparada sa kalsada at nagiging ugat ng away ng mga magkakapitbahay dahil walang maayos na transportasyon eh at kung meron man, ang bagal namang tapusin.

32

Related posts

Leave a Comment