PAMASAHENG IPINAPATAW NG TNVS DAPAT SIYASATIN AT BANTAYAN

SA GANANG AKIN

KAILANGAN natin ang transportasyon sa ating araw-araw na buhay, maging sa trabaho man ito, pag-aaral, o pagpunta sa iba’t ibang lugar para makapagbakasyon at mag-relaks. Bunsod nito, maituturing ang transportasyon bilang isa sa mga bagay na kinakailangang paglaanan ng budget ng mga tao.

Sa kasalukuyan, natuto na ang mga tao na mamuhay sa kabila ng pananatili ng pandemya kaya’t ang pamahalaan ay nakatutok na sa muling pagpapalago ng ating ekonomiya. Alam naman nating lahat na isa sa mga katangian ng mauunlad na bansa ay ang pagkakaroon ng sistemang transportasyon na hindi lamang episyente kundi abot-kaya ng mamamayan,

Kung ikukumpara sa ibang bansa sa Asya gaya ng Singapore at Japan, malinaw na malayo pa ang Pilipinas sa pagkakaroon ng mahusay na sistema ng transportasyon. Bukod sa kakulangan ng imprastraktura na pinagsusumikapang tugunan ng kasalukuyang administrasyon sa pamamagitan ng proyekto nitong Build Better More, isa rin sa mga pasakit ang presyo ng transportasyon sa bansa partikular na ang Transport Network Vehicle Service o TNVS na gaya ng Grab.

Sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga produkto at serbisyo, malaki ang dapat nating ipagpasalamat sa sangay ng pamahalaan na sumisiguro na maayos ang kompetisyon sa merkado sa iba’t ibang industriya kasama na ang transportasyon. Mabuti at nariyan ang Philippine Competition Commission (PCC) na patuloy na nagbibigay proteksyon at nagsusulong sa kapakanan ng mamamayan laban sa mga monopolyong hakbang ng ibang mga kompanya gaya na lamang ng isyung kinasasangkutan ng Grab.

Kung babalikan, noong Marso ng nakaraang taon ay inutusan ng PCC ang Grab na agad ibigay ang refund sa mga Grab user na nagkakahalagang P19.3 milyon matapos mapag-alaman na maliit na halaga lamang ang naisauli nito mula sa mga nakaraan pang refund. Subalit makalipas ang halos isang taon, hindi pa rin sumusunod ang Grab. Dahil dito, maaari na namang maharap sa panibagong mga parusa at multa ang kompanya.

Ayon sa PCC, ang Grab ang dahilan kung bakit hinihiling ng ahensya sa Kongreso na mas paigtingin pa ang pagpapatupad ng mga probisyon sa ilalim ng Philippine Competition Act. Sinuportahan naman ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo, dating PCC Chair, sa nakaraang mga pagdinig na ginawa sa Kongreso , ang posisyon ng ahensya.

Bilang chairman ng Public Services Committee sa Senado, nakatutok si Senator Grace Poe sa isyung ito. Sa kasalukuyan, walang kompetisyon ang Grab kaya walang ibang opsyon ang mga tao. Dahil sa mataas na singil ng Grab sa mga pasahero kahit maikli lamang ang biyahe, kaya napag-iisipan na tila walang pakialam ang Grab sa mga pasahero nito.

Nawa’y magtuluy-tuloy ang paggawa ng mga imprastrakturang pang-transportasyon sa bansa nang matapos ito agad dahil kasabay ng pagtatapos nito ay ang pagkakaroon ng mas maraming opsyon para sa mga komyuter. Kung magkakaroon na ng episyenteng sistema at ruta ng mga tren sa bansa at kung gagaan na ang daloy ng trapiko lalo na sa Metro Manila, mas mahihikayat na ang mga komyuter na gumamit na lamang ng ibang moda ng transportasyon upang makaiwas sa mataas na singil sa pamasahe ng Grab.

341

Related posts

Leave a Comment