PAMBU-BULLY NG CHINA HINDI NAGUSTUHAN NI REP. BARBERS

MY POINT OF BREW ni JERA SISON

MERON ngang kasabihan na sa buhay ng tao, ang lahat ng bagay rito sa mundo ay may hangganan, at bawat hangganan ay may dahilan, nakatakda na kung kailan mangyayari, Diyos lamang ang nakakaalam.

Marahil magtataka kayo sa bungad ng aking paksa. Hindi po relihiyon ang ating tatalakayin kundi ang sobrang pagmamalabis ng bansang China sa umano’y kapangyarihan niya sa ibang mga kapitbahay niyang bansa sa Asya.

Hindi naman kaila sa lahat na ang China ay isa sa mga masasabi nating maimpluwensyang bansa sa buong mundo sa larangan ng ekonomiya, armas, siyensya, teknolohiya at marami pang iba. Nabibilang ang China sa hanay ng USA, Russia at pangunahing mga bansa sa Europa.

Subalit tila sumosobra na yata ang pagpapakita ng lakas ng China sa ibang mga bansa. Inumpisahan nila ang pag-angking sa kabuuan ng South China Sea na kung saan halos dalawang siglo na ang nakalipas ay napagkasunduan na sa ilalim ng International Maritime Laws, ang boundaries ng karagatan ng bawat bansa na nasasakupan ng South China Sea.

Maangas pa ang mga pahayag ng China laban sa maliliit na mga bansa na apektado sa kanilang aksyon na pag-angkin ng nasabing karagatan. Ipinagbabawal nilang pumalaot ang mga mangingisdang mula sa ibang bansa sa loob ng South China Sea, maski na may desisyon na ang UNCLOS na walang basehan ang pag-angkin ng China sa nasabing karagatan. Nagtayo sila ng mga paliparan at military outpost na walang pahintulot mula sa mga kinauukulan.

Ngayon naman ay nagbanta ang China sa mga bansang nagbigay ng pahayag sa resulta ng katatapos na halalan sa Taiwan. Alam naman natin ang kasaysayan sa pagitan ng China at Taiwan.

Kaya naman, naglabas ng pahayag ang isang mambabatas na kilalang matapang at hindi umuurong sa mga isyu kapag nakita niya na hindi ito tama. Siya ay si Rep. Robert Ace Barbers ng 2nd District ng Surigao del Norte.

Hindi niya nagustuhan ang pahayag ng isang opisyal ng China na kinokondena nila ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos sa pa-congratulate nito sa bagong pangulo ng Taiwan. Para kay Barbers, hindi naman tayo parte ng China para pagbawalan tayo sa ating pakikipag-ugnayan sa ibang bansa.

“Hindi pa man eh, umaarte na kayo na may-ari ng Pilipinas, pati mga bibig namin gusto n’yo na rin i-water cannon. Ni katiting na soberenya ay wala kayo dito, tapos pati karapatan namin maghayag ng saloobin pipigilan ninyo? Did we empower you in any way to draft an IRR on our Constitution that gives you the right to amend our Bill of Rights?,” ang patutsada ni Barbers.

Malinaw sa kasaysayan na walang hangganan ang estado ng buhay. Kung ang mga imperyo ng Spain, Portugal, France at England na namayagpag noong 17th at 18th century, ay nawala rin matapos ang ilang taon.

Ang Germany, Italy at Japan noong World War II ay nagmistulang maamong tupa at bumagsak ang kanilang ekonomiya matapos na matalo sila sa digmaan.

Walang mabuting maidudulot ang digmaan. Alam naman nating lahat ‘yan. Subalit kailangan din na ipakita natin paminsan-minsan ay tapang natin upang malaman ng China na sumusobra na sila. Tama po ba, Rep. Barbers?

122

Related posts

Leave a Comment