PAMUNUAN NG TAU GAMMA PHI KINOKONDENA ANG PAGKAMATAY NG KANILANG MIYEMBRO SA HAZING

RAPIDO NI TULFO

KINOKONDENA ng pamunuan ng Tau Gamma Phi fraternity ang pagkamatay ng isa sa mga miyembro nila na si John Martin Salilig sa kamay mismo ng mga miyembro ng kanilang samahan.

Ito ay ayon sa isa sa pinakamataas na opisyal na nakausap po ng inyong lingkod kagabi lamang. Ayon sa nasabing opisyal, matagal na nilang tinanggal ang hazing sa kanilang hanay matapos maisabatas ang anti-hazing law na nagbibigay ng mabigat na parusa sa mga lalabag dito.

Ang nangyari raw na “welcome hazing rites” na ikinamatay ni Salilig ay hindi ginagawa sa mga dati nang miyembro ng fraternity.

Dahil dito, hindi raw makatitikim ng tulong mula sa fraternity ang mga sangkot sa madugong hazing rites. In fact, ayon dito, na-expel na sa kanilang hanay ang mga gumawa nito at maglalabas daw ng opisyal na pahayag ang Tau gamma Phi sa susunod na mga araw ukol dito.

Hindi pa nareresolba ang isyu ng extortion diyan sa NAIA na naisulat sa pitak na ito kamakailan lamang, kung saan nag-viral ang video ng ginawang pagnanakaw ng ilang screening officer ng Office of Transportation Security (OTS) sa isang Thai tourist na palabas ng bansa.

May bago na namang isyu ng pagnanakaw kung saan nakuhaan din ng video ang ginawang katiwalian ng isang empleyado rin ng OTS na kinikilalang si Valeriano Ricaplaza Jr., 31 years old.

Sa kuha ng CCTV, nakitang kinuha ni Ricaplaza ang relos ni Sun Yuhong, isang Chinese national, pagdaan sa security screening. Dahil dito ay dinakip si Ricaplaza Jr. ng mga miyembro Philippine National Police Aviation Security Group.

Ayon sa aming kasamahan na si Tony Gildo na naka-assign sa NAIA, itinatanggi ng suspek ang krimen kahit nakuhaan pa ito ng video dahil hindi pa rin narerekober ang relos.

Samantala, kinondena ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang panibago na namang insidente na kinasangkutan na naman ng isa sa kanilang mga empleyado.

Ito raw si Ricaplaza ay bagong pasok pa lang sa NAIA and it makes me wonder kung paano ba ang proseso ng hiring diyan, dahil ang mga involved din sa unang insidente ng nakawan ay pawang mga bagong empleyado rin.

Hindi ba dumadaan sa background check ang mga nag-a-apply ng trabaho diyan sa NAIA?

272

Related posts

Leave a Comment