PANANAMANTALA?

SA TOTOO LANG

Pananamantala ba ang pwedeng itawag natin kung dumarami ngayon ang mga paupahan na nagtataas ng kanilang renta?

Ang siste kasi, lumalakas ang loob ng mga nagpapaupa dahil ang lagi na nila ngayong dahilan ay lumalalang trapiko sa buong bansa. Uulitin natin sa buong bansa. At dahil malawakan ang epekto ng buhul-buhol na trapiko ay kawawa tuloy ang mga rumirenta.

Tiyak ang pagtaas ng parenta lalo na sa mga condominium, sumunod ay mga apartment o room apartment.

Siyempre naman, mananamantala ang mga nagpapaupa at ikakatwiran nilang kaysa manirahan ka sa malayo eh dito ka na lamang sa rentahan nila – malayo ka pa sa stress na dala ng ma­tinding trapiko.

Sa ganitong siste ay parang walang choice ang mga tenant at kagatin ang gusto ng kanilang landlord kaysa sa ibang lugar sila mapunta.

Pero sana naman hindi naman maging utak mapagsamantala ang ilang mga kababayan natin. Pupuwede naman kasing pumatas at kumita na hindi kailangang manggipit.

Sa totoo lang, hindi lahat ng rumirenta ay maya­yaman. Pangkaraniwang mamamayan lamang din sila na kumakayod nang higit pa sa kanilang dapat nilang gawin para lamang kumita at mamuhay nang naaayon.

Ngunit hindi rin natin maiiwasan na isa sa mga nabibiktima ng pananamantalang ito ay ang mga taong nagtatrabaho bilang call center agents na kumikita ng mas malaki kumpara sa mga ordinaryong manggagawa.

Kakagat at kakagat ang mga gustong umupa dahil natural lang na mas pipiliin nila ang tirahang malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan kaysa maubos ang lakas at perang pinaghirapan kung sa ibang lugar pa titira ang mga ito.

Sana ang bagay na ito ay makita rin ng ating pamahalaan para hindi naman makawawa nang husto ang gusto lamang umupa sa malapit na lugar pero hindi sa paraang matataga sila nang husto dahil sa mataas na bayarin sa upa. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

227

Related posts

Leave a Comment