PANANAW NG MARITIME EXPERTS SA MAGNA CARTA FOR FILIPINO SEAFARERS

PUNA ni JOEL O. AMONGO

TALIWAS sa inaasahan ng kinabibilangan ng mga industriya ng marino o maritime industry, ay hindi nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., nitong nakaraang Lunes, Pebrero 26, ang dapat sana ay Magna Carta for Filipino Seafarers.

Kabilang ang ating kaibigan na maituturing na kasama sa hanay ng mga eksperto sa larangan ng pagbabarko, ang lubos na nalulugod sa hindi paglagda ng Pangulo, upang mabigyang-daan ang Senado at Kongreso na masuri muna nila nang husto bago sana ito maging ganap na batas.

May apat na haligi ang tinatawag na International Maritime Law.

Ang mga ito ay ang Safety of Life at Sea (SOLAS), Int’l Convention for the Prevention of Pollution from Ships o Marine Pollution (MARPOL), Standard of Training Certification & Watchkeeping (STCW) at Maritime Labour Convention (MLC 2006).

Kinapapalooban ng magna carta ang mga probisyon na sumasaklaw sa STCW at MLC 2006 at ang pangunahing layunin nito ay upang maprotektahan ang ating mga marino habang nasa barko sila at naglalayag dito man sa katubigan ng Pilipinas o sa iba pang panig ng mundo.

Dalawang bagay ang nais kong talakayin. Una, ay hindi marahil tugma o angkop ang bawat nakasaad sa MLC 2006 sa larangan ng konstruksyon o pagkakagawa ng mga barko dito sa atin sa domestic kung ihahalintulad sa malalaki at modernong mga barkong naglalayag sa international.

Ang ating mga domestic na barko ay dinisenyo sa maiiksing oras na paglalayag lamang na maaaring hindi angkop ang ibang bahagi ng MLC 2006 na nagsasaad na dapat (daw) ay mayroon ang ating mga barko ng partikular na pamantayan para sa mga kabina at mga pasilidad pang-libangan para sa mga tripulante nito.

Kung ito ay isasakatuparan ay hindi ito kakayanin at masusunod ng mga may-ari dahil kinakailangang ipa-reconfigure ang lahat ng kanilang mga barko.

At kung itutulak ang magna carta na hindi bibigyang-pansin muna ang hinaing o suhestiyon ng shipowners dito sa ating bansa ay maaaring makapagdulot pa ng hindi mabuti ang batas imbes na makatulong at magbigay-daan upang tuluyang matuldukan ang totoong mga suliranin na hinaharap ng ating domestic shipping industry.

Sa puntong ito ay maaaring magdulot ito sa pagbagsak ng domestic shipping industry at pagkitil sa propesyon ng pagbabarko dito sa atin.

Sa katotohanan ay may ibang mga bansa rin na hindi ina-apply ang MLC 2006 sa kadahilanang hindi ito angkop sa kung papaano nag-o-operate ang kanilang mga barko sa kanilang katubigan at lubhang hindi makatuwiran kung isasakatuparan ito.

Bagkus ang mga bansang ito ay gumawa ng sarili nilang batas na naaangkop sa kanilang domestic na barko na naglalayag sa kanilang inland at international waters.

Ang ikalawang nais kong matalakay ay may kaugnayan naman sa STCW na napapaloob din sa panukalang batas ng magna carta.

Wala kasing pagtatangi ito sa pagitan ng propesyong pang domestic o pang-internasyonal.

Dapat ay pag-aralan muna at alamin kung alin sa probisyon ng STCW ang dapat lamang na ipatupad para sa mga marinong nagtatrabaho sa domestic at international na barko.

Sa puntong ito ay dapat magtalaga muna ng kaukulang mga pamantayan ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng CHED, MARINA at TESDA.

Mariin ding tinututulan ng sektor ng maritime education ang isang kabanata na nagkasaad sa magna carta.

Ang kanilang dahilan ay dapat daw ay hindi nito saklawin o isama ang edukasyon at pagsasanay ng mga kadete sa kadahilanang mayroon na raw kasalukuyang batas na sumasaklaw rito.

Lumalabas din sa mga panayam ang anggulo na hindi pa naman daw umano maituturing na mga marino o seafarers ang mga kadete kundi mga estudyante pa lamang sila at ang magna carta ay dapat para sa seafarers lamang.

Ang bagay na ito ay posibleng may halo-halong mga pananaw kaya mas mabuti rin na mapag-aralan ito nang mabuti upang magkaroon ng tiyak na kahulugan ang katagang “seafarers”.

Hindi natin maitatanggi ang kahalagahan sa ating ekonomiya na ibinibigay ng ating mga kapatid sa karagatan lalo na ‘yung mga nagsasakripisyo sa ibang bansa na mawalay sila sa kanilang mga mahal sa buhay.

Batid din natin ang hirap at panganib na kanilang sinusuong sa araw-araw at kinakailangan talaga nila ng proteksyon na magmumula dapat sa ating pamahalaan.

Ang Magna Carta for Filipino Seafarers ay dapat nakatuon sa pangangalaga ng kondisyon, kalagayan at pamumuhay ng ating mga marino habang sila ay nasa barko dito man sa atin o sa ibang panig ng mundo.

At kung dumating ang panahon na tuluyan nang maisa-batas ito ay magkakaroon na ng totoong pangil laban sa mga mapang-abuso sa ating mga marino.

oOo

Para sa suhestiyon o reklamo, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

255

Related posts

Leave a Comment