MAGTRABAHO PARA UMASENSO

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

HALOS lahat ng mga Pilipino, ang kanilang pananaw sa buhay ay pare-parehas, mag-aaral para ‘pag nakapagtapos sa kolehiyo ay magkaroon ng magandang trabaho at malaking sweldo.

Bagama’t hindi pare-pareho ang kapalaran ng bawat tao, subalit mahalaga pa rin sa atin na mayroon tayong pinag-aralan.

Mayroon sa atin hanggang sa pangarap lang, pero hindi sinasamahan ng sipag at tiyaga kaya hindi nila naaabot ang kanilang mga pangarap.

Sabi nga ng iba, hindi hadlang ang pagiging mahirap para makapagtapos ka ng pag-aaral.

Sa katunayan, maraming mayayaman ang hindi nakapagtatapos ng kanilang pag-aaral kahit na marami silang pera. Iba kasi ang kanilang binibigyan ng konsentrasyon.

Maaaring nasa isip nila na kahit hindi nila matapos ang kanilang pag-aaral at kahit hindi sila magtrabaho, ay mabubuhay sila dahil mayaman ang kanilang mga magulang.

Matapos man sila o hindi sa pag-aaral ay amo pa rin sila sa kanilang mga negosyo.

Ang problema nga lang pagdating ng panahon na wala na ang kanilang mga magulang na nagpalago ng kanilang mga negosyo, baka humantong ito sa pagsasara.

Mahalaga ang pag-aaral dahil dito made-develop ang inyong talento na pagdating panahon na ikaw ay nakatapos ng isang kurso at panahon na ng pagpasok sa trabaho ay alam mo kung ano ang iyong gagawin at angat ka sa mga hindi nakapagtapos.

Sa trabaho, kahit nagsimula ka sa pinakamababang posisyon basta’t ikaw ay may pinag-aralan, darating ang panahon ay aangat ka dahil may diploma kang ipakikita o ipagmamalaki sa kumpanya.

Pinakamahalaga sa tao kapag nagtatrabaho o nangangamuhan ay gampanan mo nang maayos ang iyong gawain at iyong mahalin ang pinagkukunan para sa iyo o sa pamilya mo.

Kailangang ipakita mo sa iyong amo o kumpanya na pinaglilingkuran na dapat kang pagkatiwalian at kung ikaw ay pinagkatiwalaan ito’y pagyamanin para sa kinabukasan ng iyong pamilya.

Sa panahon ngayon, lalo na’t nariyan pa ang epekto ng COVID-19 pandemic, marami sa mga kumpanya sa bansa ang nagsipagsara kung saan marami ang nawalan ng trabaho.

May mga kumpanya ngayon na hindi pa masyadong nakababawi sa pagkalugi dahil sa pandemic na nangyari.

Kaya mapalad ang mga tao na hanggang ngayon ay may trabaho at hindi nawalan ng pagkakakitaan o hanapbuhay.

Sa masipag na manggagawa, walang among magiging madamot sa kanya partikular sa kanyang mga benepisyo.

Ang pagiging masipag at pinagkakatiwalaan sa trabaho ay magiging gabay mo pagdating ng panahon na ikaw ay magtatayo ng sariling negosyo.

Nagtapos ka man ng kolehiyo o hindi, kailangan natin maging tapat at pagkakatiwalaan sa ating mga trabaho dahil ito ang magiging daan para tayo umasenso.

Ang taong masipag sa trabaho ay hindi magugutom ang kanyang pamilya.

Maging sa Bibliya ay ipinahihiwatig na kailangan ng tao na magtrabaho, “NASA TAO ANG GAWA, NASA DIOS ANG AWA”.

Maliit man o malaki ang ating suweldo sa mga kumpanya, ay kailangan nating gampanan ang ating mga trabaho nang maayos.

Ang mga mayayaman ay hindi sila aasenso kung hindi sila o ang kanilang mga magulang, naging masipag at tapat sa kanilang mga trabaho para palaguin ang kanilang mga negosyo.

Walang tamad na umasenso sa buhay, kundi ang masipag.

Ganoon din sa edukasyon, kung tatamad-tamad ka ay hindi ka makatatapos sa pag-aaral.

Ang pinakamahalaga sa lahat ay disiplina sa sarili at magtiwala sa Panginoon.

oOo

Sa huling talata, ay aking binabati ang masipag, matulungin at walang sawang tumutulong sa kapwa niya na si Boss, Kuya, Kapatid na si Jose Marie M. Bengotchea na may-ari ng Joechem Environmental Corporation, na nagdaos ng kanyang kaarawan nitong February 29. More blessings to come and good health para sa patuloy na pagtulong mo sa kapwa at paglilingkod sa Panginoon.

44

Related posts

Leave a Comment