TARGET ni KA REX CAYANONG
DUMALO si Quezon City 3rd District Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde sa roundtable discussion ng Young Parliamentarians sa 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum kamakailan.
Naging tampok dito ang kanyang pagtanggap sa makabagong teknolohiya at ang pangakong ito sa pambansang kaunlaran.
Binigyang diin ni Rep. Atayde ang pangunahing papel ng digital na teknolohiya sa pag-unlad ng bansa, partikular na ang pagbuo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang pag-apruba sa “E-Governance Act.” Layunin ng mga hakbang na ito na mapabuti ang serbisyong pampamahalaan sa pamamagitan ng digitalisasyon.
Subalit, hindi nakaligtaan ni Rep. Atayde ang panganib na kaakibat ng pag-usbong ng teknolohiya.
Binanggit niya ang ilang panganib at isinapuso ang pangangailangan ng mga batas upang mapanatili ang seguridad, kabilang na ang “Open Access in Data Transmission Act,” “Data Privacy Act,” at “Cybercrime Prevention Act.”
Ipinahayag niya ang kahalagahan ng pagtutok sa pagsusuri ng batas upang matiyak ang ligtas na digital na kapaligiran.
Samantala, inilatag ni Santa Rosa City District Representative Dan Fernandez sa Kongreso ang kanyang pananaw ukol sa hindi makatarungang pagkolekta raw ng Manila Electric Company (Meralco) ng P200 bilyon mula sa kanilang 7.7 milyong consumers.
Sa kanyang privilege speech sa Committee on Legislative Franchises, itinanong ni Cong. Fernandez ang tama at makatarungang hakbang daw na dapat gawin sa pagtugon sa direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Isinusulong ni Rep. Fernandez na ang refund mula sa Meralco ay dapat ibalik sa mga consumer “in cash” at hindi sa pamamagitan ng “off-setting” sa kanilang mga bill.
Sa kanyang pananaw, ito ang tamang hakbang para bigyang halaga ang karapatan ng mamamayan na pumili kung paano gagamitin ang kanilang refund.
Naninindigan ang kongresista na hindi nararapat ang pagbibigay ng ERC ng direksyon kung paano dapat gamitin ang refund, ito’y karapatan aniya ng bawat mamamayang Pilipino.
Sa isang liham kay ERC Commissioner Monalisa Dimalanta, ipinaabot ni Fernandez ang kanyang apela na tiyakin ang maayos na pamamahagi ng refund at pagtutok sa pangmatagalang isyu ng Meralco sa pagbili ng 1,800 MW power supply.
Binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagsunod sa mga patakaran at alituntunin ng Department of Energy (DOE) para sa Competitive Selection Process (CSP) Circular ng 2023.
Bukod dito, inilahad ni Cong. Fernandez ang mga impormasyon mula sa externally-audited financial statement na nagpapakita ng labis na kita raw ng Meralco mula sa sobrang bayad ng kanilang mga konsyumer.
Sa pangkalahatan, ito ay isang pangangalaga sa karapatan ng mga konsyumer na naglalaman ng malinaw na mensahe na ang pera ay nararapat ibalik sa kanilang bulsa at hindi gamitin para sa iba’t ibang layunin na wala silang kontrol.
145