BISTADOR
TILA bulag, pipi at bingi ang ilang inihalal ng taumbayan na mga senador na sana’y dapat dinggin ang sumbong at karaingan ng lahat na siya naman kanilang tungkulin upang protektahan ang bansa laban sa mga mapang-abuso sa kapangyarihan.
Kamakailan lamang ay lumiham ang isang grupo ng mga maralitang residente ng Isabela kina Senators Francis Tolentino, Ronald Dela Rosa, Miguel Zubiri, Raffy Tulfo, Imee Marcos, Joel Villanueva at Robin Padilla upang maimbestigahan ang umano’y talamak na katiwalian na kinasasangkutan ng ilang matataas na mga opisyales ng lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Isabela.
Ngunit isa lamang ang tumugon sa kanilang liham, ito ay ang tanggapan ni Padilla at nangakong ipapasa sa chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na si Senator Tolentino na may hurisdiksyon na imbestigahan ang mga opisyales at kawani ng gobyerno na masasangkot sa anomang katiwalian. Pero teka! Anyare bakit tila tinulugan na ata ito ng tanggapan ni Robin Padilla? Isa lamang kaya itong pangakong mapapako o isang script lamang sa pelikula?
Kilala bilang makabayan si Padilla na simula sa umpisa pa lamang ay minaliit ang kanyang pagkatao sa kung anong magagawa nito sa Senado dahil sa kakulangan sa kaalaman sa batas. Ngunit marami ang nagulat nang nanguna sa bilangan bilang senador si Padilla at inilampaso ang mga kilalang mambabatas at iba pang provincial officials.
Pinangunahan ni dating Angandanan, Isabela Mayor Manuel Siquian ang reklamo upang mabigyang pansin ang bilyones umanong nawaldas sa kabang yaman ng lalawigan sa dahil sa pang-aabuso umano sa kapangyarihan ni dating governor na ngayon ay kapit tukong lumipat bilang Vice Gov. Faustino Dy.
Ang matapang na krusada ni Siquian laban sa katiwalian ay sinuportahan naman ng mga residente ng lalawigan upang wakasan na ang deka-dekadang paghahari-harian ng mga Dy sa lalawigan mula pa kay Faustino Dy Sr., na namayagpag ng dalawang dekada sa pulitika bago pumanaw dahil sa sakit noong 1993sa edad na 68, na sinundan naman ng kanyang anak.
Ang panawagan ng taumbayan sa Isabela na imbestigahan ang talamak na katiwalian sa lalawigan ay hindi sana matulad sa kaso ng sinadyang pagpapasabog sa PAL flight 215 na matapos ang 53 taon ay nabaon sa hukay ang sigaw ng mga kaluluwa ng 32 pasahero at 4 na crew, na hindi nabigyan ng hustisya hanggang sa ngayon.
Nangyari ito noong April 21, 1970 sa masaya sanang biyahe ng mga pasahero mula Cauayan airport patungong Manila, isang malakas na pagsabog ang naganap kung saan bumagsak mula himpapawid ang eroplano at walang sinoman ang nakaligtas sa insidente.
Ayon sa imbestigasyon noon ng NBI ay nakita umanong nilagyan ng time bomb sa likurang bahagi ng eroplano, at sa testimonya ng ilang saksi bago naganap ang karumal-dumal na krimen, ay pinaniniwalaang naging target dito ang mga taong nagsiwalat ng malawakang illegal logging sa lalawigan na ang nasa likod ay ang mga makapangyarihan na hanggang ngayon ay nasa puwesto.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
