PANGARAP NA NEGOSYO SINISIMULAN NANG TUPARIN NG MGA GRUPO NG OFW

0

NAKAKATUWA na marinig mula mismo sa mga taong nakatanggap ng puhunan sa negosyo mula sa programang OWWA Tulong Puso na kanila nang ­sinisimulan na tuparin ang kanilang mga pangarap.

Nitong nakaraang Miyerkules sa aming programa sa radyo na UP UP Pilipinas sa DWDD kasama si BGen Gerry Zamudio, Coco Naik, Bhong David at Emil Carreon, ay naging bisita namin ang mga pinuno ng iba’t-ibang ­samahan ng OFW mula sa Visayas.

Aming inalam sa kanila ang kanilang mga naging karanasan sa pagproseso ng kanilang ­aplikasyon para sa OWWA Tulong Puso.

Bilang “principal sponsor” ng OWWA Board Resolution para sa programang Tulong Puso, kaligayahan na para sa akin na malaman na mayroong mga OFW at pamilya ng OFW na totoong nakikinabang sa programang personal kong isinulong sa OWWA Board.

Ang OWWA Tulong Puso ay isang “cash grant” para ­makapagsimula ng negosyo mula ₱150,000 pesos hanggang ₱1-milyong piso ang isang OFW o ang kanilang pamilya depende sa kung anong negosyo ang itatayo at kung ilan din ang bilang nga mga kasapi sa isang asosasyon ng OFW.

Si Ginang Lilibeth Olinares ng Samar ay may miyembrong 63 na pamilya ng OFW. Proyekto nila ang pagpapagawa ng “side-car” sa may 25 na miyembro ng pedicab association na may puhunan na ₱500-thousand pesos.

Nagparehistro ang grupo sa Department of Labor and Employment (DOLE) at nasa aktibong listahan ng OWWA ang kanilang miyembro kaya tumanggap sila kaagad ng paunang puhunan para may “downpayment” ang mga pinagawang pedicab at hinintay na nila ang kabuuan na pondo sa kanilang project proposal. Nakakatulong na sila para sa kabuhayan ng mga miyembro at may serbisyo pa sa komunidad.

Si Ginang Flordeliz Gutierrez ng Ormoc City ay nangasiwa ng Ormoc City OFW Association na may 20 miyembro at ang negosyo nilang binalak ay “wholesale ­beverage products.” Nakatanggap na sila ng ₱100-thousand pesos mula sa proyekto. May mga benepisyo ang mga miyembro tulad ng PHILHEALTH at ang iba na walang trabaho ngayon ay namasukan sa negosyo ng grupo para makatanggap ng suweldo.

Si Ginang Paulita Siangco ng Maasin City, Southern Leyte ay may 29 na miyembro na rehistrado sa OWWA tulad ng “seabased at landbased” na mga seaman. Ang kanilang itinayo ay bigasan na may puhunan na ₱500-thousand pesos. Sa ngayon ay binigyan sila ng paunang puhunan ng OWWA na 100 libong piso at nag-ambag sila para sa “equity.” Nitong a-8 nang Abril ay nagbukas na sila ng bigasan matapos na ito ay maiparehistro sa DOLE. Ayon sa kanila, malaking tulong sa pamilya at komunidad ang bigasan lalo na ngayong pandemya.

Si Ginang Anita S. Corto ng Poblacion, Almeria, Biliran ay tagapangasiwa naman ng Almeria Seafarer’s Multi-Purpose Cooperative (ASEMCO). Sa kooperatiba nila ay may 6,200 na miyembro at ang 735 ay OFW. Ang kanilang proposal ay “Agri-Business Cooperative, grocery, expansion of free-range chicken, coop venture, meatshop at multi-purpose cooperative.” Natanggap na nila ang paunang puhunan na ₱400-thousand pesos at hinihintay pa ang kabuuan pang puhunan. Ang mga miyembro ay may “dividend at patronage refund” bawat taon. Nakakatulong ang ­kooperatiba sa mga miyembro at komunidad bukod pa sa merong pautang para sa mga OFW.

Ang aking tanging panawagan lamang sa lahat ng makakatanggap ng puhunan sa Tulong Puso program ay palaguin at seseryosohin nila ang “cash grant” at iba pang proyektong pangkabuhayan ng OWWA dahil ito ay makakatulong sa kanilang komunidad at pamilya lalo na ngayong panahon ng pandemya ng COVID-19.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment