PANGUNGULELAT NG MGA PINOY SA READING, MATH AT SCIENCE

SIDEBAR

Nakababahala ang pangungulelat ng Pilipinas sa pinakahuling assessment na isinagawa ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) patungkol sa reading comprehension o pag-intindi sa binabasa ng mga mag-aaral sa 79 na bansa.

Pinakamababa sa 79 bansa ang nakuhang marka ng may 600,000 Filipinong mag-aaral na may edad 15 mula sa 79 na bansa na sumailalim sa pagsusulit ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018.

Ito ang unang pagkakataon na lumahok ang Pilipinas sa PISA survey. Karamihan sa mga mag-aaral na nasa edad 15 sa Pilipinas ay nasa Grade 9.

Nakakuha ng pinaka­mataas na marka ang mga mag-aaral mula Beijing, Shanghai, Jiangsu at Zheijang sa China. Nakakuha sila ng 555 puntos sa reading, 591 puntos sa math at 590 sa science.

Pumangalawa naman ang mga mag-aaral mula Singapore na nakakuha ng 549 puntos sa reading, 569 puntos sa math at 551 puntos sa science.

Ang ibig sabihin lang nito ay kailangang pag-aralan ng Department of Education ang programa ng edukasyon at sistema ng pagtuturo sa nabanggit na apat na syudad at lalawigan sa China at gayundin sa Singapore para makita kung ano ang mga dapat baguhing programa at pagtuturo sa elementary at high school education.

Sa resulta ng PISA 2018, nakakuha ng 340 puntos ang mga mag-aaral mula sa Pilipinas. Sobrang baba nito sa average na 487 puntos.

Ayon din sa resulta ng PISA 2018, 1 sa 4 na mag-aaral ang nahihirapan sa iba’t ibang aspeto ng pagbabasa, katulad ng pagkuha sa pangunahing ideya ng binabasa, maging ang pagdudugtong sa mga impormasyong kanilang nakukuha mula sa kanilang binabasa.

Gayundin, 1 sa 10 mag-aaral lamang ang may kakayahang malaman kung alin ang katotohanan (fact) at opinyon kapag nagbabasa tungkol sa mga paksang hindi pamilyar sa kanila.

Lumalabas rin sa resulta ng PISA 2018 na karamihan sa mga mag-aaral ang mas may kakayahang makahanap ng impormasyon (locating information) kaysa maintindihan ito. Kabilang ang mga bansang Pilipinas, Brunei Darussalam, Ireland, Malaysia, Malta at the Nether­lands sa may ganitong resulta sa pagsusulit.

Sa larangan naman ng math, nakakuha ng 353 puntos ang Pilipinas, habang nakakuha naman ito ng 357 puntos sa science.  Nasa 489 puntos ang average na marka sa math at science. Kapwa ikalawa sa pinakamababa ang marka ng Pilipinas sa math at science.

Kailangan na lang na kumilos ang DepEd para maisakatuparan ang mahusay na rekomendasyon ng Reading Association of the Philippines sa lalong madaling panahon. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

371

Related posts

Leave a Comment