BISTADOR Ni RUDY SIM
MATAPOS tanggapin ni Cavite 7th District Rep. Crispin ”Boying” Remulla ang alok ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pamunuan ang Department of Justice (DOJ), ay kailangan nitong bitiwan ang kanyang puwesto bilang mambabatas upang tulungan si BBM na maisaayos ang ating justice system at maibigay ang tamang hustisya sa mga napagkaitan ng katarungan.
Ang pagkakatalaga kay Remulla ni Pangulong Marcos sa ahensya ay maaaring masusing pinag-aralan na ng Pangulo dahil na rin sa kanilang matagal na pinagsamahan at tiwala na makakayanan nito ang trabahong nakaatang sa kanyang balikat.
Bagama’t naging maayos naman ang trabaho ni outgoing Justice Secretary Menardo Guevarra sa ilang taong paglilingkod nito sa Duterte administration kabilang ang kontrobersyal na kasong kinasangkutan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Pastillas scheme na kasalukuyan pa ring dinidinig sa korte ang kaso, ay ipapasa na lamang nito sa susunod na administrasyon ang responsibilidad sa sambayanan na magbigay ng tamang serbisyo at masugpo ang korapsyon.
Dapat ding tingnang maigi ni incoming Justice secretary Remulla ang katotohanan sa likod ng Pastillas issue kung sino ba rito ang dapat na managot at maparusahan sa ilalim ng batas upang walang maging sacrificial lamb lalo na sa mga ordinaryong tauhan ng BI na nasabit lamang sa kaso at ang tunay na kumita at nagkamal ng salapi sa naturang scandal ay malaya lamang.
Isa rin sa dapat imbestigahang maigi upang maging patas ang timbangan ng katarungan ay ang kredibilidad ng mga lumabas na whistleblower kung ano ang kanilang tunay na motibo sa pagsisiwalat ng umano’y bribery scandal sa airport sa pagpapalusot ng Chinese nationals, kung ito ba ay para sa bayan o may isang sikretong nakakubli sa likod nito dahil ayon sa ilang tsismis sa BI ay dahil umano sa hatian sa pera na hindi umano ipinamahagi ng isang may rank na Immigration officer 3 at maaaring ibinulsa.
Hiniling din ng ilang tauhan ng ahensya na makarating kay Remulla na isailalim sa lifestyle check ang ilang Immigration officers na kabilang sa mga nakasuhan at tingnan ang kanilang mga ari-arian na posibleng wala sa kanilang SALN. Kabilang umano ang mansion ng isang IO-3 sa BF Homes, Parañaque na hanggang 4th floor sa kabila nang ilang taon pa lamang itong empleyado ng ahensya.
Inamin ni Remulla na hindi madali ang trabahong ipinagkatiwala sa kanya ng pangulo dahil kabilang ang BI, NBI at National Bilibid Prison (NBP) sa mga ahensyang nasa ilalim ng DOJ. Bagama’t hindi naman lahat ng mga tauhan ng mga ahensyang ito ay mga mapagsamantala sa kanilang kapangyarihan, at mas marami rito ang mga tapat sa kanilang trabaho at mayroong iilan lamang na bulok na kamatis na kailangang ibasura upang hindi na makahawa pa ng iba.
146