PANIBAGONG MILITARISASYON SA LIANGA, KINONDENA NG LUMAD NA KONGRESISTA

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Mariin ang pagkondena ni Bayan Muna Representative at lider Lumad na si Ka Femia Cullamat ang bagong militarisasyon sa kanilang lugar sa Lianga, Surigao del Sur mula pa noong ika-16 ng Agosto. Ang mga traktora at mga makinang pandigma ng AFP ay nakaistasyon sa KM 6 sa Barangay Diatagon sa kasalukuyan.

Ani Rep. Cullamat, “Napakalinaw na binabalewala kaming mga Lumad at nais burahin ang aming kasaysayan sa aming lupang ninuno kung saan matagal na kaming naninirahan at namumuhay.”

Nang dumating muli ang dagsang militar noong ika-16 ng Agosto, dalawang dayalogo ang sinimulan ng komunidad, kung saan ang mga residente ay nagpahayag ng kanilang oposisyon sa presensya ng militar sa kanilang lugar. Hindi ito dininig. Nang dumating ang kanilang mga makinang pandigma noong ika-6 ng Setyembre, lalong nag-alala at tensyonado ang mga tao sa komunidad.

Alam nila na ang dahilan ng pagpasok ng mga militar sa kanilang komunidad ay para sa 60,000-hectare coal sites sa Andap Valley Complex ng mga korporasyong pagmimina tulad ng Benguet Corporation, Abacus Coal Exploration and Development, Great Wall Mining and Power, Ask Mining and Exploration, and Coal Black Mining.

Ang Andap Valley ay tahanan ng 425 pamilyang Manobo, o higit sa 3,500 na populasyon. Ngayon ay panahon ng pag-ani, kaya ang lahat ay abala sa gawaing agrikultural na pangunahing kabuhayan ng mga mamamayang Lumad. Ang pagpasok ng militar sa kanilang komunidad ay malaki ang epekto sa produksyon, kasama pa ang mining operations na sumisira sa lupang ninuno.

Malinaw ang dahilan kung bakit may militarisasyon sa Andap Valley: Para takutin at dahasin ang lahat ng oposisyon sa pagmimina ng coal sa lugar. Ngunit, kailangang ipagtanggol ang lupang ninuno. Dahil dito nanggagaling ang pagkakilanlan, kultura, kabuhayan, tahanan ng mga katutubong mamamayan. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

148

Related posts

Leave a Comment