PANUKALANG BATAS NI CONG. DAZA, MABIGAT NA PARUSA SA MGA MAGULANG NA AYAW MAGBIGAY NG SUSTENTO

RAPIDO NI TULFO

BABALA sa mga ama o ina na hindi nagbibigay ng sustento sa kanilang mga anak dahil kapag naging isang ganap nang batas ang panukala ni Northern Samar 1st District Rep. Paul Ruiz Daza, mabigat ang magiging parusa sa mga gumagawa nito.

Ayon sa panukalang batas ni Cong. Daza, na tinawag na “An Act Ensuring Child Support and Penalizing Parental Refusal or Neglect Thereof”, magkakaroon ng criminal liability ang mga magulang na hindi magbibigay ng suportang pinansyal (child support) sa kanilang mga anak.

Layunin daw ng panukalang batas na takutin ang naghiwalay na magulang maging ito man ay ama o ina, na magbigay ng suporta sa mga anak dahil sa mga mabigat na probisyon dito tulad ng pagkakakulong.

Sinabi ng mambabatas, kahit na mayroon nang probisyon na child support sa Family Code ng constitution, nanatiling malaking problema ang hindi pagbibigay ng child support. Sumuporta naman ang Department of Social Welfare and Development at Philippine National Police sa naturang panukala dahil responsibilidad daw ito ng mga magulang sa kanilang mga anak.

Ayon kay PNP P/BGen. Matthew Bacay, deputy director ng Personnel and Records Management, ang hindi pagbibigay ng financial support sa mga anak ay paglabag sa Republic Act (RA) No. 9262 na tinawag na economic abuse sa mga kababaihan.

Sa panukalang batas ni Daza, ang non-custodial parents ay kinakailangang magbigay ng buwanang financial support sa mga anak na hindi bababa sa P6,000 regardless sa kanilang kinikita. Pero nasa desisyon pa rin ng DSWD at ng korte kung magkano ang dapat na ibigay ng mga magulang.

Maparurusahan ang mga magulang na napatunayan na sinadya ang hindi pagbibigay ng suporta sa loob ng dalawang buwan o halagang aabot sa P30,000, pasok din ang mga kababayan nating nakatira o nagtatrabaho sa ibang bansa, ayon sa panukala.

Ang first time offenders ay papatawan lamang ng parusang “probation” pero ang mga paulit-ulit na susuway sa naturang panukala ay maaaring makulong ng dalawa hanggang apat na taon at magmumulta ng P100,000 hanggang P300,000 depende sa diskresyon ng korte.

 

331

Related posts

Leave a Comment