PAPALIT NA PNP CHIEF DAPAT HUWARAN

MALAKI ang ibinaba ng antas ng tiwala ng publiko sa kontrobersyang kinasangkutan ni General Vicente Danao na tumatayong officer-in-charge ng Philippine National Police (PNP).

Dangan naman kasi, ang dapat sana’y huwarang hepe ng pulisya, siya pang nakitaan ng ­hayagang malisya kaugnay ng isang ­yayamaning conyo sa likod ng kontrobersyal na hit-and-run accident sa Mandaluyong City.

Ang pagmamano ng ina ng suspek sa kanya, umani ng kabi-kabilang batikos lalo pa’t nagpa­tawag pa siya ng mga peryodista (kalaunan ay inaway pa niya) sa pulong-balitang sa kanya rin naman bumuwelta.

Sa ilalim ng bagong administrasyon, karapatan ng pangulo na iluklok ang isang karapat-dapat ipalit sa pwesto ni Danao. Pero hanggang ngayon, wala pang anunsyo.

Bakit nga kaya wala pang itinatalagang bagong PNP chief? Umiiral ba ang puso ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. o baka naman naghihintay lang siya ng kusang palong pagbibitiw ni Danao sa pwesto para maski papaano naman, may graceful exit ang heneral na bulil­yaso.

Walang malinaw na pamantayan ang Palasyo hinggil sa kwalipikasyon ng itatalagang PNP chief. Pero isa lang ang sigurado – kailangan ng PNP ng isang huwarang pinuno, na siyang tutularan ng iba pa niyang kabaro.

Sa naunang pahayag ni Marcos Jr., malinaw ang kanyang polisiya hinggil sa ano mang aktibidad na nakasisira sa pamilyang Pilipino. Katunayan, ang e-sabong, binasted ni Marcos kaya naman ang mga promotor sa likod ng naturang talpakang bilyon ang pustahan, dumiskarte nang pailalim – ala gerilya, sa hangaring hindi matigil ang kanilang operasyon.

Kung uunawain ang pahayag ng pangulo, malinaw ang kanyang posisyon – walang illegal gambling sa anim na taon ng kanyang termino. Inaasahan din ang paglalabas ni Marcos Jr. – sa kanyang kapasidad bilang commander-in-chief – ng “no take policy” sa hihiranging PNP chief.

Kaya naman pala sinasamantala ng mga damuhong nakapwesto ang pagkakataong magkamal nang husto hanggang ‘di pa sila napapalitan sa kani-kanilang pwesto.

Eh si Danao? Kapana-panabik ang susunod na kabanata. Siya ba’y ilalaglag? O magkukusang palo na lang bumitaw sa kanyang pwesto?

Abangan!

72

Related posts

Leave a Comment