PARA SA BATA, HINDI PAMBISYO

SA atas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inumpisahan ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paglilinis sa talaan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Pro­gram (4Ps) na sadyang binalangkas sa hangaring maibsan ang bigat na nakaatang sa mga maralitang pamilya.

Sa ilalim ng nasabing programa, partikular na pinaglalaanan ng buwanang tulong pinansyal para matustusan ang pangangailangan sa kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng mga kabataang edad 14 pababa mula sa 81 lalawigan sa buong bansa – base sa taunang Family Income and ­Expenditure Survey (FIES).

Ang siste, hindi naman lahat ng nasa talaan kwalipikado. Sa isinapublikong pagsasaliksik na iprinesenta ng World Bank sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), luma­labas na 60% lamang ng kabuuang 800,000 pamilya ang tunay na maralita – ang iba, gantim­pala sa mga kaalyado sa pulitika.

Kung pagbabatayan ang naglabasang mga balita hinggil sa mga benepisyaryo ng naturang programa, mukhang hindi naman talaga nagagamit ang naturang ayuda sa tunay na dahilan sa likod ng pagsasabatas ng 4Ps – para sa mga bata.

Ang ilang benepisyaryo huli sa aktong nagsusugal, nagdodroga, naglalasing at iba pang kapritso – taliwas sa tunay na pakay ng ­naturang programa – tiyakin ang kalusugan at edukasyon ng mga bata.

Taong 2009 nang umpisahan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program at marami sa mga benepisyaryo, lagpas na sa itinakdang limang taong probisyon sa ilalim ng kontrata.

Sa gitna ng krisis na sukdulang naglugmok sa masa, higit na angkop na bigyang prayoridad ang tiyaking nasa ayos ang mga programa ng ­pamahalaan. Subalit hindi masasapul ang target na benepisyaryo kung hindi linisin ang talaan.

Ang tanong – anong katiyakan ng DSWD na ang kanilang ilalabas na bagong talaan ay tunay na maralita? Ano ang magiging batayan ng pamahalaan sa pamimili lalo pa ngayong ang lahat ay apektado ng kambal na dagok ng pandemya at krisis sa ekonomiya?

Isa lang ang sigurado. Mabigat ang hamon sa DSWD.

78

Related posts

Leave a Comment