REDEMPTION

PUNA Ni JOEL AMONGO

ISA umanong pagtubos (redemption) ang gagawin ni ­Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa pamilyang Marcos sa loob ng anim na taon na kanyang panunungkulan.

Ito ang paniniwala ng 31 milyong Pilipino na bumoto sa kanya nitong katatapos na May 9, 2022 national at local elections.

Ayon sa mga nakausap ng PUNA, naniniwala sila na gustong patunayan ni PBBM na ang kanilang pamilya ay malinis ang hangarin para sa sambayanang Pilipino, subalit sinira lamang ito ng ilang mga politiko na may pansariling interes.

Mula nang manungkulan si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., hanggang mapatalsik siya sa kanyang pwesto bilang presidente ng Pilipinas noong 1986, ay maraming ginawang matitinding isyu ang grupo ng dilawan, kasama ang CPP-NPA-NDF, ilang lider ng simbahan at ilang media network.

Sinira nila ang pangalan ng pamilyang Marcos hanggang sa magtagumpay sila noong 1986 nang mapatalsik ang dating Pangulong Marcos.

Nariyan ang ibato sa kanyang administrasyon ang ­pambo-bomba sa Plaza Miranda, Maynila, makalipas ang ilang dekada ay napatunayan na kagagawan ito ng CPP-NPA-NDF.

Korapsyon, mamamatay tao, hindi nagbabayad ng tamang buwis at marami pang iba ang ibinato sa kanilang pamilya para masira sila sa mga Pilipino.

Maging ang mga libro na ginagamit sa mga paaralan ay binago nila ang kasaysayan ng Pilipinas at pinatunayan nila na ang dating Pangulong Marcos ay masamang presidente.

Sa kabila ng mga paratang na ito at makalipas ang mga taon ay nagbago ang pananaw ng mga Pilipino, maging ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno na kumalas kay dating Pangulong Marcos katulad ni dating Juan Ponce Enrile, ay muling bumalik ang paniniwala na walang ginawang masama ang batang Marcos.

Siya na mismo ang nagsabi na nagkamali siya sa pagpanig niya kay dating Pangulong Corazon Aquino at naging bahagi siya sa pagpapatalsik kay Pangulong Marcos.

Maging si Ka Mentong Laurel na dati ring malapit kay ­dating Pangulong Cory Aquino, ay nag-iba ang pananaw makalipas ang ilang dekada.

Marahil ay napagtanto nila na walang ginawang masama ang Pangulo sa mga Pilipino.

Ang mga pananaw na ‘yan marahil ang nagbigay ng inspirasyon pa sa iba pang mga Pilipino na ang ibinabato sa dating Pangulong Marcos ay walang sapat na basehan.

Kaya ito ay nagresulta sa pagkamit ni PBBM ng 31 milyong boto na nagdala sa kanya bilang kauna-unahang “Majority President”.

Sa katunayan, ang pamilyang Marcos ay hindi nagtanim ng galit kay Enrile sa halip ay binigyan pa ito ni PBBM ng pwesto bilang head legal adviser sa kabila ng kanyang katandaan.

Maging ang ilang dating cabinet secretary ni dating Pangulong Cory Aquino ay kinuha rin ni PBBM na makatutuwang niya pagpapatakbo ng bansa.

Nagpapatunay lamang ito na tapat si PBBM sa kanyang panawagan noong panahon ng kampanyahan na pagkakaisa (unity) ng mga Pilipino.

Ika nga n’ya, “SAMA-SAMA TAYONG BABANGON MULI”.

Ang panawagang ito ay kinagat ng mga Pilipino na nag­bunsod ng kanyang panalo.

Move on na para sa kinabukasan nating mga Pilipino.

Mabuhay ang mga Pilipino! Mabuhay ang Inang Bayan!

oOo

Para sa reaksyon at suhestiyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o kaya ay mag-text sa cell# 0966-429-46-12.

88

Related posts

Leave a Comment