PARI IDINEMANDA SA DOJ NG EX-SANDIGAN JUSTICE

PRO HAC VICE Ni BERT MOZO

HINDI maitatanggi na kahit ang mga tao na masasabing naglilingkod sa mga simbahan ay nagkakamali rin.

Sila ang mga lingkod ng Diyos na nakagagawa rin daw ng kabulastugan sa kanilang mga pananalita at mga gawa.

Ang masaklap, ‘yung iba ay hindi naman nahahabol ng batas. Ang ilang biktima at testigo, takot daw magsalita.

Ngunit iba itong si dating Sandiganbayan Associate Justice at ex-Commission on Elections Chairperson Harriet Demetriou na nagsampa ng demanda laban sa isang aktibong pari dahil daw sa pangungutya, malisyoso at mapanira nitong mga pahayag laban sa Our Lady Mary Mediatrix of All Grace.

Sa reklamo ni Demetriou sa Quezon City Prosecutor’s Office, ipinag­harap nito ng kasong paglabag sa Article 133 ng Revised Penal Code o offending religious feelings, si Fr. Winston Cabading ng Archdiocese of Manila Office of Exorcism.

Lumabas kasi ang isang video kung saan tila pinagtawanan daw ng pari ang napaulat na pag-ulan ng mga talutot ng rosas at ang pagkakaroon ng langis sa imahe ng Birhen.

Hindi pala ito ang unang pagkakataon na hinalakhakan ni Cabading ang paniniwala ng mga deboto.

Sa isang conference raw kasi ni Cabading ilang taon na ang nakararaan, ay kinutya din daw ng pari ang mga aparisyon ng Birheng Maria sa Lipa City, Batangas noong 1948.

Nagkaroon kasi ng lecture si Cabading na pinamagatang “Basic Catholic Theology on Angels and Demons, Angels in Christian Life”.

Naku, do’n ay binatikos daw ng pari ang serye ng pagpapakita ng himala ng Birhen na sinasabing nasaksihan ng ilang madre noong mga panahong iyon.

Kaya hindi na nakatiis si Demetriou na isa ring deboto at idinemanda na ang pari.

Para kasi sa dating mahistrado, aba’y hindi lang daw ang Our Lady Mary Mediatrix ang kinutya at hinamak ng pari kundi maging ang mga debotong katulad niya.

Maitututuring aniya na “notoriously offensive” ang ginawang pagtawag ni Fr. Cabading sa Mediatrix of All Grace bilang ‘demonic’ o may sa demonyo.

Well, napaka-offensive naman talaga.

At nakalulungkot na nanggaling pa ito sa isang pari na katulad ni Cabading.

May mga pinapalutang daw kasi si Cabading na Diocesan Verdict at Papal Decree na kumokontra sa aparisyon ng Birheng Maria, bagay na ayon kay Demetriou, ay wala namang ebidensya.

Ibig sabihin, ang mga sinabi raw ni Cabading na Diocesan Verdict at Papal Decree ay non-existent o hindi talaga umiiral.

Nasa prosecution level pa lamang ang usaping ito.

Abangan natin ang susunod na kabanata!

33

Related posts

Leave a Comment