PARTNERS IN CRIME NOON, LOVE TEAM NA NGAYON?

BISTADOR ni RUDY SIM

TILA nagkaroon ng libangan ang ating mga kababayan sa mahiwagang kuwento ng buhay ni dismissed Bamban, Tarlac, Mayor Alice Guo na patok at mas nakaka-aliw katulad ng inaabangang palabas sa Netflix, na serye ng hearings sa Kongreso kung saan ay maraming nadadawit na pangalan kabilang ang umano’y naging partners in crime ni Guo at naging bahagi ng kanyang love life. Baka naman.

Ang paghalukay ng House Quad Committee ay nagresulta na pagkakabunyag ng nakagugulat na rebelasyon na kumakalat sa social media hinggil sa umano’y mayroong naging relasyon sina Guo at ang isang konsehal ng pinakamalaking distrito ng Quezon City na itatago na lamang natin sa alias “Artistang Vumavangka” o AV.

Ayon sa rebelasyon ng isang Metro News sa Facebook page, sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya ng Bulacan ay diumano nagkaroon ng regular na pagpupulong sina AV at Guo. ngunit, tila hindi dito natapos ang detalye dahil maging ang pangalan ng isang Dennis Cunanan na matatandaang nadawit noon sa pork barrel scam, ay muling iniugnay sa dating mayora.

Si Cunanan ay dating naging kakuntsaba umano ng dating aktor na si AV sa Technology Resource Center (TRC) na ayon sa Sandiganbayan ay naging instrumento lamang sa pagbulsa ng pondo ng publiko at agad na ipinasara.

Mula rito ay limpak-limpak na salapi umano ang nakulimbat ng dating aktor at ng kapatid nitong kapwa politiko at kongresista ng isang distrito sa QC. Lumalabas din umano na nagsilbing bagman si Cunanan sa mga naging transaksyon ni AV kay Guo.

But wait, there’s more! Maraming bulong-bulungan sa QC hanggang sa Kongreso, na may mas malalim pang ugnayan umano si AV kay Guo, hindi lamang sa naging aktibidad ng dating mayora kundi maging sa kanilang romantic at nakapapasong relasyon.

Hmm… eh kung sina DILG Secretary Benhur Abalos nga at PNP Chief Marbil ay halos nabighani sa beauty ni Guo na may kagandahang alindog ngunit mapanganib, kagaya ng Poison Ivy.

Pero kung gaano kabilis ang naging pagtakas ni Guo kamakailan sa bansa ay ganoon din naman kabilis ang ginawang pagtanggi ni AV sa isyu at sinabing tsismis lamang ang napabalitang relasyon nito kay Guo.

Kapansin-pansin din umano na apektado sa isyu ang pamilya ni AV na nagkaroon ng malalim na tampuhan makaraang mapansin na bihira na lamang magkasama ang pamilya kahit sa programang madalas na dinadaluhan ng mga ito.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

151

Related posts

Leave a Comment