PARUKYANO NG LOTTO ‘DI MUNA TATAYA HANGGA’T ‘DI NAGRE-RESIGN SI ROBLES

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI malayong bumagsak ang kinikita ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula sa taya sa lotto matapos pumutok ang kontrobersiya ng edited picture ng isang babae na umano’y lotto winner kamakailan.

Ang post ng PCSO na sinasabing may nanalo na sa P43-M jackpot ng Lotto 6/42, na isang babaeng nakasumbrero, naka-sunglass at naka-facemask habang iniaabot ng isa pang babae ang tsekeng kanyang pinanalunan, ay pinutakte ng batikos ng netizens matapos na mapunang edited ang litratong inilabas.

Sa isyung ito ay nag-react si Surigao del Norte, 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, at pinagbibitiw niya si PCSO GM Robles para sa delicadeza.

Kung may delicadeza itong si GM Robles ay magbibitiw na ito sa pwesto dahil makasisira lang ito sa operasyon ng buong PCSO.

Sa pagdinig ng Senado sa pangunguna ni Senador Raffy Tulfo, inamin ni GM Robles na edited picture ng babae ang inilabas na umano’y nanalo ng P43-M jackpot ng 6/42 kamakailan.

Ang dahilan ni GM Robles na kaya nila ginawa ang edited picture na kunwaring nanalong babae, ay para proteksyunan ang tunay na nanalo.

Sinong pinoprotektahan n’yo, ang kunwaring nanalo? Sino ‘yun?

Sino pa ngayon ang magtitiwala na mananaya na may pag-asa pa kaming manalo sa lotto?

Kaya ko sinabing kami dahil isa rin po akong tumataya sa lotto, dati ngang milyon ang premyo na kahit napakaliit ng tsansang manalo sa lotto, ay tumataya pa rin kami. Ngayon dahil sa lumabas na pekeng nanalo ay nawalan na kami ng pag-asang manalo, bakit pa kami tataya sa lotto?

Sa ilang nakapanayam natin na tumatangkilik sa lotto, nadismaya sila sa sinabing edited picture ng isang babaeng nanalo umano ng P43-M jackpot sa 6/42. Dahil dito, hindi rin muna raw sila tataya sa lotto hangga’t hindi napapalitan si GM Robles.

Lahat kami ay nawalan ng tiwala sa PCSO kaya pahinga muna kami sa pagtaya sa lotto.

Sa pinakahuling natanggap nating impormasyon, inaalok daw itong si Sen. Tulfo ng P1 bilyon kapalit ng pagtigil sa paggisa kay GM Robles?

Umabot naman daw ng P400 milyon ang alok kay Sen. Coco Pimentel?

Wow! Ang laking halaga niyan. Kung ganyang kalaking halaga ang alok, malaki rin ang kinikita sa PCSO.

Kung hindi ito masosolusyunan ng ating pamahalaan, malamang tuluyan nang malugi ang PCSO.

Kung gusto ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na makabangon sa kontrobersiya ang PCSO at mapigilan na magsara ito, ay madaliin niyang sibakin itong si Robles at palitan niya ng mapagkakatiwalaang tao.

Paano naman daw kung ang nag-alok ng P1-B kay Sen. Tulfo at P400-M kay Sen. Pimentel ay katabi ng Pangulo sa pagtulog? Kaya raw ba nitong parusahan?

Ang isyung ito ay isa na namang daguk sa administrasyon ni PBBM.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

143

Related posts

Leave a Comment