PASKONG TUYO NAGHIHINTAY SA PUJ DRIVERS/OPERATORS

PUNA ni JOEL O. AMONGO

IMBES na aguinaldo ngayong Pasko ang matatanggap ng Public Utility Jeep (PUJ) drivers at operators mula sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay mawawalan ng pagkakakitaan ang mga ito.

Ayon kay Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, itutuloy ng gobyerno ni Marcos na walisin sa mga kalsada o i-phase-out ang mga traditional jeepney pagdating ng Disyembre 31, 2023.

“Ito ang pamaskong handog ng ating gobyerno: malawakang kawalan ng trabaho at kabuhayan,” pahayag ni Brosas.

Sinabi pa ng mambabatas, wala nang atrasan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) at binibigyan lamang ng hanggang katapusan ng taon ang mga tsuper at operator para bumuo ng kooperatiba para magkaroon ng modernong jeepney na ipapalit sa mga traditional jeepney.

Ayon sa ilang tsuper na nakapanayam ng PUNA, hindi nila kakayanin ang presyo ng modern jeepney dahil nagkakahalaga ito ng P2-M.

Samantalang ang traditional jeepney ay nagkakahalaga lamang ng P150K hanggang P250K.

Kung ikukumpara ang presyo ng traditional jeepney (P150K-P250K) sa modern jeepney (P2-M) na iginigiit ng gobyerno, ay kaya na nitong makabili ng 8 units ng traditional jeepney.

Bukod dito, inirereklamo rin ng mga tsuper/operator ng traditional jeepney na kapag sumama sila sa kooperatiba para makakuha ng modern jeepney, ay mawawalan na sila ng prangkisa dahil ang gagamitin nila ay iisang prangkisa na lamang.

Nangangamba rin sila na sa sobrang mahal ng modern jeepney ay hindi nila ito mabayaran na lalo pang magpapalubog sa kanila sa kahirapan.

“Sobrang mahal ng modern jeepney, hindi po namin kaya itong bayaran,” banggit pa ng isang tsuper.

Nagtataka lang po tayo kung bakit ipinagpipilitan ng gobyerno na magpalit ng modern jeepney na sobrang mahal kung ikukumpara sa traditional jeepney.

Maaari namang ayusin na lang ang traditional jeepney para manatili ito at hindi pahirapan sa gastusin ang mga tsuper/operator nito.

Sa ginagawa niyong pagpupumilit sa kanila na kumuha sila ng modern jeepney, ay binigyan niyo pa sila ng pasaning krus.

Alam nating lahat na kumbinyente ang mga pasahero sa modern jeepney dahil aircon ito.

Subalit kumbinyente ba ang mga tsuper/operator ng traditional jeepney sa sobrang mahal ng modern jeepney?

Sa sobrang mahal ng modern jeepney ay baka sira na ito ay hindi pa natatapos itong mabayaran ng mga nakakuha nito? Tulong ba ito sa kanila o lalo n’yo lang silang pinahihirapan ?

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

99

Related posts

Leave a Comment