THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
SA kabila ng kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at singil sa pangunahing mga serbisyo, hindi maiwasang mainis ang mga konsyumer na kagaya natin.
Imbes kasi na nakakapagtabi ng pera para sa kakailanganin sa hinaharap, napupunta ang ating buwanang budget sa mga bayarin.
Kaya nga kahit papaano, magandang balita ang kakaanunsyo lamang na pagbagal ng inflation — o ‘yung rate ng pagtaas ng mga presyo ng produkto at serbisyo sa bansa. Mula sa 4.9 na porsyento noong Oktubre, nasa 4.1 porsyento na ito noong Nobyembre dahil sa mas mababang presyo ng pagkain. Ang pinakahuling datos din ang pinakamababa sa loob ng 20 buwan, kaya kahit papaano, maganda sana kung magtutuluy-tuloy ito sa susunod pang mga buwan.
Gayunpaman, kahit pa gumanda ang datos, hindi naman natin maaalis na hindi pa rin natutuwa ang mga konsyumer. Kadalasan kasi, hindi naman natin nararamdaman agad ang pagbabago kahit maganda ito.
Isa nga sa kadalasang iniinda ang bayarin sa kuryente dahil sa pananaw na “mahal” ang singil dito kahit hindi naman malinaw kung saan natin ito inihahalintulad. Ganito yata talaga kapag postpaid, o ‘yung nagamit na natin ang serbisyo bago pa natin bayaran.
Hindi rin nakatutulong ang paglaganap ng napakaraming maling impormasyon lalo na ngayong halos lahat tayo ay nasa social media.
Kaya nga dapat maging mas mabusisi tayo sa mga binabasa at ikinakalat natin. Sa aking palagay, mas dapat nga magamit ang mga ganitong channels para magpakalat ng tunay at makatutulong na kaalaman.
Halimbawa na lang ang napakaraming maling impormasyon tungkol sa singil sa kuryente.
Alam nyo ba na ang binabayaran ng mga Pilipinong konsyumer ay ang totoong cost ng kuryente? Ito ay dahil kumpara sa ibang karatig-bansa, walang subsidiya sa kuryente sa Pilipinas.
Sa katunayan, isang kakatapos lamang na pag-aaral ng International Energy Consultants (IEC) ang nagpatunay na ang taripa ng kuryente sa bansa, partikular iyong sa Meralco, ay patas at makatwiran.
Sa pinakahuling pag-aaral ng IEC, inilahad nito na napakaraming bagay na nakaapekto sa singil ng kuryente sa buong mundo — katulad na lang ng pagsipa ng presyo ng fuel sa pandaigdigang merkado na nakaapekto sa napakaraming bansa, kagaya ng Pilipinas na nag-aangkat ng fuel dahil na rin sa kakulangan ng sariling pagkukunan nito.
Pero hindi naman ibig sabihin na naging hindi na makatarungan ang singil ng kuryente sa Pilipinas.
Ayon sa IEC, sa 46 na energy markets na saklaw ng pag-aaral, nasa pang-21 na pwesto ang singil ng Meralco — o mas mababa ng 3% sa global average.
At kung tatanggalin ang mga bansang may mahigit na 50 porsyentong subsidiya sa kuryente, mas mababa pa ng 13 na porsyento sa global average ang rate ng Meralco.
Ayon pa nga sa pag-aaral ng IEC, sa kabila ng mga pinagdaanan noong pandemya, nananatiling resilient ang industriya ng power supply sa bansa dahil bagama’t tumaas ang rates ay nasa pantay na lebel lang ito ng global average. Ibig sabihin, hindi sumipa ng sobra at nananatiling makatwiran. Sa madaling salita, hindi “iniisahan” ang mga konsyumer ng kuryente. Ito ang totoong sitwasyon na nakakaapekto, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.
Kahit nga si Department of Energy Secretary Popo Lotilla, paulit-ulit ding pinapaliwanag na ang dahilan ng animo’y mas mataas na singil sa bansa ay dahil hindi tayo subsidized, na kung gagawin naman ng pamahalaan, manggagaling rin naman ang subsidiya sa ating taxpayers.
Kung halimbawa ngang i-subsidize tayo pansamantala ng pamahalaan, maaari naman itong magresulta sa bill shock kung sakaling dumating ang panahon na hindi na kayang suportahan o tustusan ang ganitong mekanismo.
Ang mga ganitong impormasyon at kaalaman ay makatutulong para mas maunawaan natin kung ano ba talaga ang paliwanag sa likod ng binabayaran natin buwan-buwan.
At ang pag-aaral ng IEC ay nagpapatunay na napakahalagang suriin ang mga impormasyong may kinalaman sa singil sa kuryente dahil hindi naman ito simpleng komputasyon lamang. Napaka-teknikal ng usaping ito, at anomang sabihin natin na walang konteksto ay maaaring magresulta sa maling pag-unawa, o mas matindi pa, ikagalit ng mga konsyumer.
211