PATI BA NAMAN CLASS SUSPENSION?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MARAMING mahahalagang isyu sa lipunan ang ayaw pakialaman ng karamihan sa mga congressman lalo na sa larangan ng pulitika at seguridad ng bansa pero ‘yung mga trabaho ng local executives ay pinakikialaman.

Tulad na lamang ang pagkukusa ng mga mayor na suspendihin ang klase sa kanilang nasasakupang lugar dahil sa tindi ng init ng panahon, na tila hindi nagugustuhan ng isang mambabatas.

Alam ng mga mayor ang sitwasyon ng kanilang lugar at alam niya kung kaya ba ng mga guro at estudyante ang mainit na panahon lalo na’t ang mga silid-aralan na idinisenyo sa 25 hanggang 30 estudyante ay 50 na ang laman.

Pero parang hindi nagustuhan ng isang mambabatas ang pagsuspinde ng mga mayor sa klase sa kanyang lungsod o bayan dahil kung meron daw eksperto sa lagay ng panahon ay ang Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Administration o PAGASA at hindi ang local executives.

Kailangang daw magkaroon ng protocol na susundin ng mga local government at school officials sa panahon ng tag-init dahil sa panahon lang ng ulan may protocol. Tama naman pero kailan pa mabubuo ang protocol eh nasa harap mo na ang problema?

Masyadong mabagal ang gobyerno sa pagdedesisyon at kung hihintayin ng local executives ang protocol na ‘yan baka huli na ang lahat lalo na’t maging si congressman ay siguradong hindi kaya ang init ng panahon.

Malapugon ang mga silid-aralan at ‘yung pagpasok at pag-uwi pa lamang ng mga estudyante ay babad na sila sa init ng panahon kaya kailangang kumilos ang mga mayor para protektahan ang kalusugan ng mga guro at mga estudyante na nae-expose sa matinding sikat ng araw.

Tulad ng sabi ko, maraming isyung panlipunan ang dapat pagtuunan ng pansin na labis na nakakaapekto sa ating bansa, mapulitika man ‘yan o seguridad ng ating bansa pero nganga ang karamihan sa mga congressman.

Sa 311 congressmen, iilan lang ang nagsasalita at kumokondena sa agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea (WPS) at lalo silang napipipi kapag pulitika na ang usapin na kung bakit ay hindi ko alam.

Tahimik sila kapag may mga lider ng bansa ang nasasangkot sa katiwalian, hindi mo sila naririnig kapag binobomba ng China ng tubig ang barkong nagdadala ng supply sa mga sundalong naka-deploy sa BRP Sierra Madre at nanonood lang sila kapag ang isang maimpluwensyang wanted sa batas ay magtatakda ng kondisyon sa gobyerno bago siya sumuko at harapin ang kaso.

Inaakala tuloy ng China na hindi nagkakaisa ang mga Filipino sa pagtatanggol sa kasarinlan ng Pilipinas dahil ‘yung mga lider natin ay nakabibingi ang katahimikan pero kapag magkusa ang mga mayor sa pagsuspinde ng klase ay may opinyon sila?

62

Related posts

Leave a Comment