BAGONG SILANG, CALOOCAN CITY GINAWANG 6 BARANGAYS

PUNA  ni JOEL O. AMONGO

PINAGHIWA-HIWALAY sa anim (6) na barangays ang pinakamalaking barangay ng Bagong Silang sa Caloocan City, ayon sa pinakahuling natanggap nating impormasyon.

Sa isang news release noong nakaraang Biyernes, inanunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., para maging batas ang Republic Act No. 11993 na pinaghiwa-hiwalay ang Barangay Bagong Silang o mas kilala bilang Brgy. 176, na nasa ilalim ng Lungsod ng Caloocan.

Base sa batas (RA NO. 11993), ang Bagong Silang barangays ay kinabibilangan na ngayong Brgy. 176-A, Brgy. 176-B, Brgy. 176-C, Brgy. 176-D, Brgy. 176-E at Brgy. 176-F.

Ang bawat boundaries ng nabanggit na mga barangay ay malilikha ng umiiral na mga purok.

Ang Commission on Elections (Comelec) ang mamamahala at mangangasiwa sa plebisitong isasagawa para sa Brgy. 176 sa Caloocan City sa loob ng 90-araw kung naging epektibo ang nasabing batas.

Sa Republic Act No. 11993, ipinag-uutos na magkaroon ng appointment ng interim barangay officials, kasama ang Punong Barangay, pitong Sangguniang Barangay members, isang Sangguniang Kabataan (SK) chairman, at pitong SK members sa bawat bagong binuong barangays.

Nakasaad din sa batas na ang nabanggit na barangay officials ay magsisilbi hanggang sa magkaroon ng mga nahalal at kuwalipikadong papalit sa kanila.

Ang alkalde ng Caloocan City ang magtatalaga ng nasabing mga opisyal.

Samantala, para naman sa incumbent barangay officials, ang batas ay nagsasabi na magpapatuloy sila sa kanilang posisyon hangga’t ang mga opisyal ng bagong mga binuong barangays ay hindi pa naitatalaga.

Ang public infrastructure at facilities ay ililipat sa mga bagong barangays na walang gastos o kabayaran at sa ilalim ng kanilang administrasyon.

Ang batas na naghihiwalay sa Bagong Silang ay inaprubahan sa House of Representatives noong nakaraang Nobyembre 2022 at inamyendahan sa pamamagitan ng Senado noong Disyembre 2023.

Nilagdaan ang batas ni Pangulong Marcos noong nakaraang Abril 3, 2024.

Kung matatandaan natin, ang Bagong Silang ang pinakamalaking barangay sa buong Pilipinas na mas malaking ‘di hamak sa ilang munisipalidad sa bansa.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

77

Related posts

Leave a Comment