MUKHANG hindi epektibo at walang sumusunod sa price freeze na iniutos ng gobyerno sa buong Luzon kasunod ng magkakasunod na bagyo na puminsala sa mga tao mula Bicol hanggang Cagayan.
Lahat ng mga bilihin ay nagtataasan lalo na ang mga gulay kaya patingi-tingi na lamang kapag namiili ang mga tao sa mga palengke para mairaos lang ang kanilang pang-araw-araw.
Ang ipinagtataka ko lang, ang Department of Trade and Industry (DTI) ay mukhang hanggang sa mga malalaking grocery lang nagche-check kung tumaas ba ang presyo ng mga bilihin o hindi.
Lagi nilang binabantayan ang presyo ng sardinas dahil ito lang daw ang kaya ng mga ordinaryong mamamayan na patuloy na naghihirap at maging ang mga produktong ihinahain sa mesa sa Pasko tulad ng hamon.
Hindi nila pinapasyalan ang mga palengke kung saan namimili ang mga karaniwang tao na limitado ang budget at tanging gulay tulad ng mga talbos na lamang ang kayang bilhin para pang-ulam.
Kung hindi alam ng DTI, dumoble ang presyo ng mga gulay sa mga palengke at walang magawa ang mga mamimili dahil ang katuwiran ng mga tindera ay mahal ang bili nila ng kanilang paninda sa mga middlemen.
Malimit din itong inire-report sa media pero parang dedma lang ang DTI at Department of Agriculture (DA) kaya ang apektado ay ang mga karaniwang tao at hindi yung may mga pera at tuloy-tuloy ang suweldo kahit nagkaroon ng pandemya.
Okey lang sana kung ang kumikita kapag nagtataasan ang presyo ng gulay ay ang mga magsasaka pero hindi eh.
Binabarat pa rin sila ng mga middlemen na bultuhan kung mamili sa mga magsasaka.
Walang magawa ang mga magsasaka kundi ibigay sa murang halaga ang kanilang mga produkto dahil kapag nagtaas sila hindi ito kukunin ng mga middlemen at mabubulok lang.
Wala silang choice.
Pagdating sa bagsakan, halos doble na ang presyo dahil limitado raw ang supply, magastos sa pagbiyahe kaya ang mga retailer o yung mga tindera sa palengke ay walang magawa kundi ibenta naman ng mas mahal sa kanilang mga suki.
May mga tindera na dumidiskarte para kumita dahil meron silang binabayarang mga tao at puwesto kaya yung isang bugkos ng talbos kunwari na binili nila ng P5 ay hahatiin at ibenta ng tig-P10.
Dati nagwawala tayo kapag sumampa sa P200 ang presyo ng sibuyas at bawang at naghihinala na tayo na may nagaganap na hoarding o pagtatago ng supply para lalo ng tumaas ang presyo.
Pero ngayon mahigit P300 na ang presyo ng bawang at sibuyas pero hindi pa rin umiimik ang gobyerno.
Parang hanggang salita lang yung price freezed dahil hindi naman ito ramdam ng karaniwang tao.
Hangga’t hindi talaga nakokontrol ang presyo ng mga bilihin, ang biktima dito ay ang mga kariwanang tao.
Yung mga mahihirap at hindi ang mga taong tuloy-tuloy ang suweldo kahit may pandemya.
Parang lagi na lang nangyayari na ang nagsasakripisyo sa lahat ng panahon ay ang mga mahihirap.
Responsibilidad ng estado na proteksyunan ang kaniyang mamamayan laban sa mga mapagsamantala pero hindi ito ramdam ng mga tao.
