TARGET NI KA REX CAYANONG
TUMULAK ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) patungo sa Naga City, Camarines Sur.
Ito’y upang magbigay ng karagdagang tulong sa mga nasalanta ng Bagyong #EntengPH.
Sa pangunguna ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, agad na tumugon ang ahensya sa panawagan ni Naga City Mayor Nelson Legacion para sa relief assistance.
Magtatayo ang MMDA contingent ng solar-powered water purifiers sa mga komunidad na may kakulangan o walang suplay ng malinis na tubig.
Kasama sa kanilang dala ang generator sets, chainsaws, at iba pang kagamitan na makatutulong sa mabilisang pagbangon ng mga apektadong lugar.
Limang araw ang inilaang panahon para sa kanilang misyon sa Naga City upang matiyak na ang mga kababayan natin doon ay makatatanggap ng kinakailangang tulong.
Bukod dito, nagpadala rin ng mga tauhan ang MMDA para sa response operations sa Marikina, Cavite, Laguna, at Rizal, na patuloy na nakararanas ng matinding pinsala mula sa bagyo.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, ang mga contingent na ito ay may dalang relief goods, gamot, at iba pang kagamitan tulad ng chainsaws, rubber boats, water rescue ropes, at trauma bags.
Mayroon ding emergency vehicles gaya ng ambulansya, military trucks, at mini dump trucks na may modular tents para magamit sa operasyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, ang teams na ipinadala ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na ipinabatid sa pamamagitan ni Secretary Abalos, upang maghatid ng karagdagang tulong sa mga nasalantang lugar.
Patuloy ang mabilis na aksyon ng pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga nasalanta.
Ang mga hakbanging ito ay patunay ng ating sama-samang pagkilos sa panahon ng sakuna, at ng ‘di matatawarang malasakit ng pamahalaan sa bawat Pilipinong nangangailangan.
Ngayong hinaharap natin ang matinding pagsubok na dala ng kalamidad, mahalagang manatiling buo ang ating loob at pananalig na, sa tulong ng bayanihan, malalampasan natin ang lahat ng ito.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!
16