SA hindi inaasahang pagkakataon, isang senador na kilalang malapit sa Pangulo ang biglang bumida sa pahayag kontra sa desisyon ng Palasyong tuldukan ang larong e-sabong sa buong bansa.
Bagama’t hindi gaanong pinansin ng Pangulo ang pahayag na mula mismo sa bibig ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, isang malinaw na pahiwatig ng kanyang tunay na pagkatao ang pagkontra sa panawagan hindi lamang ng mayorya sa Senado kundi maging ng sambayanang Pilipino.
Aniya, hindi dapat ipatigil ang e-sabong. Ang siste, tila hindi nakita ng kagalang-galang na mambabatas ang samang dulot ng pagsusugal na minsan niyang nilabanan bilang punong hepe ng pambansang pulisya.
Ang totoo, ga-butil lang ng mais ang napapalang ganansya ng pamahalaan mula sa gambling lords sa likod ng operasyon ng lintek na e-sabong, kumpara sa pinsalang dala ng naturang sugal na bukas maging sa mga bata.
Hindi kayang tumbasan ng anumang halaga ng salapi ang perwisyong dulot ng e-sabong – kabilang na ang pagkawasak ng maraming pamilya, kinabukasan ng mga batang mas angkop na mag-aral kesa magsugal gamit ang kanilang mga cellphone, pagbagsak ng maraming negosyong pinayabong sa mahabang panahon, ang pagtatapos ng masayang pagsasama ng mag-asawa, panunuba at pagnanakaw ng mga nabaon sa utang sa laki ng natalong salapi at pamamaslang ng hindi bababa sa 38 kataong pinaniniwalaang isinakripisyo ng gambling lords na ayaw mabisto ang malawakang dayaan sa loob ng ruweda.
Kung tutuusin, higit na angkop ang pagtindig ni Dela Rosa laban sa e-sabong lalo pa’t isa siyang retiradong pulis na minsan nang sumumpang magsisilbi at magbibigay proteksyon sa mga mamamayan.
Subalit ang hirit ni Dela Rosa – i-regulate na lang ang e-sabong para lumaki ang kita ng gobyerno!
Hindi na bago ang payola mula sa mga ilegalista – kabilang ang gambling lords – sa hanay ng mga pulis at taong gobyerno.
Ang nakalulungkot lang, tila patuloy ang natatanggap na proteksyong kalakip ng pagtatanggol sa gambling lords mula mismo sa mga prominenteng opisyal ng pamahalaan.
Hindi dapat panghinayangan ang baryang nakukuha ng gobyerno sa e-sabong. Gayunpaman, may ilan talagang nanghihinayang sa delihensyang tinatamasa sa mga ilegalista ng pumupusturang lehitimong negosyante.
402