PEKENG KRISIS SA TUBIG

SIDEBAR

GALIT si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga maya­yaman na mga water concessionaires na kanyang sinisisi sa pekeng krisis sa tubig sa anyo ng manipulasyon sa mga balita hinggil sa umiiral na kakulangan sa supply ng tubig.

Inihayag ito ng pangulo sa campaign rally ng PDP-Laban sa Bukidnon kama­kailan kung saan niya sinabi na wala talagang umiiral na krisis sa tubig at ang nararanasang “water shortage” ay bilang pagkondisyon sa isipan ng mamamayan na kailangang magtaas ng presyo ng tubig kapalit ng magandang serbisyo.

Ito ang sabi ng pangulo: “They didn’t plan on opening it because they were waiting for an increase. Only then will they release the water. That’s true. These rich people, these sons of b**** are milking us dry. And they are the ones who finance agencies like Rappler.”

Ang tinutukoy ni Duterte ay ang pagkawala ng supply ng tubig simula Marso 6 sa east zone ng Metro Manila kung saan apektado ang may 1.2 milyong kabahayan (households) na sineserbisyuhan ng Manila Water na pag-aari ng mga Ayala.

Nagpalala sa sitwasyon ang mga ulat sa mga paha­yagan, radyo at telebisyon na may matinding krisis sa tubig na pinalala umano ng umiiral na tagtuyot dala ng El Niño na nagresulta sa nakakaalarmang pagbaba ng lebel ng tubig sa mga dam.

Si Pangulong Duterte ang nagbigay ng direktiba sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ang agad na paglabas ng tubig mula sa Angat Dam sa Bulacan para matiyak ang supply ng tubig sa loob ng 150 araw o limang buwan.

Dito pa lang ay makikita ang pagiging inutil ng MWSS na tila sunod-sunuran sa mga kompanya ng tubig gaya ng Manila Water at Maynilad Water Service Inc. at kailangan pa ang interbensyon ng Malacañang para dumaloy muli ang tubig sa 1.2 milyong kabahayan na nagkaroon ng artipisyal na water shortage.

Tama rin na kinastigo ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng MWSS kabilang ang chairman nitong si Franklin Demonteverde at administrator nitong si retired Police General Reynaldo Velasco na miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1971.

Dapat lang na may masibak na mga opisyal sa MWSS dahil malinaw na hindi nila ginagawa ang kanilang tungkulin sa taumbayan at iyan ay ang pagtitiyak ng walang patid na supply ng tubig lalo na ngayong panahon ng tag-init.

Nararapat ding marepaso ang mga kontrata ng mga water concessionaires partikular ang Manila Water na walang duda na palpak ang serbisyo dahil hindi nito natapos sa takdang panahon ang Cardona water treatment plant na isa sa mga dahilan kung bakit nagkaroon ng water shortage sa mga lugar na sineserbisyuhan nito.

May mga pagdududa na may nangyaring sabwatan sa pagitan ng MWSS at Manila Water at kasama ang planong pagtataas ng singil sa tubig at ang gagamiting dahilan ay para matapos ang Cardona water treatment plant sa Rizal na matagal na sanang tapos.

May hinala ring ginamit ng MWSS at Manila Water ang mass media para palabasin na may umiiral na water shortage dahil sa El Niño na siyang dahilan kung bakit nasa critical level ang tubig sa Angat Dam sa Bulacan at La Mesa Dam sa Quezon City.

Tama lang na magalit ang pangulo sa mga maya­yaman na nasa likod ng pekeng krisis sa tubig na ang ultimong motibo ay para makapagtaas ng singil sa tubig na dagdag na pahirap sa mahihirap nating kababayan.  (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

139

Related posts

Leave a Comment