PEOPLE’S INITIATIVE TINUTULAN NINA EX-SPEAKER ALVAREZ, REP. DUTERTE

BALYADOR ni RONALD BULA

MARIING tinutulan ni dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte First District Rep. Pantaleon Alvarez ang planong pag-amyenda sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng People’s Initiative.

May hinala si Alvarez na ang nasa likod ng People’s Initiative ay mga politiko na nais umanong manatili sa kapangyarihan at kanya ring pinuna ang napaulat na may kapalit na bayad ang pagpirma rito.

Si Alvarez ay kilalang tagasuporta ng pagbabago sa Saligang Batas at paglipat sa Federal Form of Government.

Ipinaliwanag ni Alvarez na kaya siya nagbago ngayon ng paninindigan ay dahil hindi aniya maintindihan ang direksyong nais tahakin ng gobyerno ngayon bukod sa hindi rin malinaw ang ginagawa ng administrasyon na makabubuti at mararamdaman ng karaniwang mamamayan.

Punto ni Alvarez, iba ito sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan malinaw na nakalatag ang mga babaguhin at may draft ng konstitusyon na maaaring silipin ng kahit sino dahil wala umanong itinatago at may binuo ring komisyon.

Samantala, mariin ding kinontra ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ang anomang hakbang ng ilang mambabatas sa People’s Initiative para sa Charter Change.

Giit ni Duterte, ang nabanggit na People’s Initiative ay hindi tunay na boses ng publiko kundi boses lamang ng iilan na nais manatili sa kapangyarihan.

Bunsod nito, pinayuhan ni Congressman Duterte ang Dabawenyos, lalo na ang kanyang mga ka-distrito, na huwag ipagbili ang kanilang kaluluwa sa halagang P100 o P10,000 kapalit ng pagpirma sa People’s Initiative na para sa Cha-Cha.

Tiniyak din ni Duterte na hindi siya luluhod para mabigyan ng proyekto kapalit ng pagsuporta sa hangaring baguhin ang Saligang Batas.

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, tumawag sa 09397177977 / 09368625001 o ‘di kaya mag-email sa balyador69@gmail.com

95

Related posts

Leave a Comment